PRE, ‘DI AKO LASING, NAKAINOM LAANG

PRE, ‘DI AKO LASING, NAKAINOM LAANG

December 6, 2022 @ 8:36 AM 2 months ago


PUNUAN na ang mga lugar na pinagdadarausan ng Christmas parties.

Hotel, barangay court, restoran, eskwela at iba pa.

Mahihirapan ka na ngang sumingit sa mga iskedyul ng mga ito hanggang sa katapusan ng taon.

Kaya sa sarili mong bahay o bakuran na lang isasagawa ang okasyon.

O kaya sa kalsada na may dead end at walang pinapayagang pumasok o dumaan kundi mga residente lamang.

Ganyan na ang Christmas parties ngayon na bumabalik na tayo sa normal na buhay.

Halos face-to-face na kasi lahat maging sa pagpasok ng mga mag-aaral sa iskul at obrero sa mga pabrika, opisina, mall at iba pa.

Halos wala na ring checkpoint maliban lang sa manaka-nakang paggawa nito sa mga nakamotorsiklo.

Kung bakit ba naman dumarami ulit ang mga kriminal na gumagamit ng motorsiklo.

ALAK PA MORE

Pero hindi lang kalayaan sa pagkakaroon ng Christmas parties meron tayo.

Pati ang pag-inom ng alak, malayang-malaya na tayo kahit saan.

Pero ang sabi, dapat magtira para sa pag-uwi upang maiwasan ang mga disgrasya.

Maglakad man tayo o gagamit ng sasakyan, dapat hindi tayo masangkot sa sakuna na ating ikamamatay o ikababalda o ikapiperwisyo ng iba.

Pero may mga nakalilimot sa disiplina sa paglaklak ng alak.

Kapag nasarapan at nasiyahan sa espiritu ng beer o alak, anak ng tokwa, alak pa more ang idinarasal.

Hanggang sa hindi na alam ng lasing kung paano siya nakauwi nang buhay o naligaw sa bahay o kwarto ng asawa ng may-asawa.

O kaya’y nakatulog sa paglalakad o paglalakbay o pagmamaneho at sa huli, hindi na niya kilala kung si San Pedro o si Lucifer ang kanyang kaharap.

O doktor sa intensive care unit ng ospital o pari sa confessional o pamisa sa simbahan.

DISGRASYA

Kung bakit tinatalakay natin ang mga lango sa alak, dumarami kasi ang mga disgrasya dahil sa kanila.

May nalalaglag sa imburnal, may nasasagasaan, may dinodos-pordos sa maling pinasukang bahay.

Mayroon ding mga nadidisgrasya at nakadidisgrasya gamit ang mga sasakyan.

At kung iniimbestigahan na sila ng mga tanod o nina barangay chairman, pulis at iba pang awtoridad, anak ng tokwa, katwiran nila, hindi sila lasing kundi nakainom lang.

Alam naman pala nilang labag sa batas ang pagmamaneho nang lasing.

At alam rin nilang takaw-disgrasya ang pagiging lasing.

Sana naman, sa mga panahong ito na nakalaan para sa pagsasaya nang ligtas, huwag magpakalango sa alak ang sinoman.

19 araw na lang Pasko na at ilang araw pa, Bagong Taon na.

Sana naman, matapos natin ang Pasko nang walang sakuna at marating natin ang Bagong Taon na ligtas at may bagong buhay patungo sa panibagong Pasko at Bagong Taon.