Pre-shaded ballots na pinunit ng mga pulis sa Cotabato, “spoiled” – PNP

Pre-shaded ballots na pinunit ng mga pulis sa Cotabato, “spoiled” – PNP

May 12, 2022 @ 5:18 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na ang mga pre-shaded ballots na makikitang pinagpupunit ng mga pulis noong araw ng halalan na nakuhanan ng video ay mga “spoiled ballots.”

Ayon kay Police spokesperson Col. Jean Fajardo, nakausap na nila ang mga pulis sa viral video na sinasabing bahagi ng special electoral board of inspectors sa Cotabato City.

“Nakausap na po natin sila at ito ang nakuha nating information sa kanila. They were tasked to tear itong mga balota dahil tapos na ang botohan. At ayon na rin po sa board ay puwede pong punitin ang unused ballots para hindi na ito magamit,” paliwanag ni Fajardo.

“‘Yung isang nakita doon ay nakita na shaded na balota, ito po ay considered spoiled ballot. Kaya ito po ay sinama na rin sa napunit ng ating kapulisan na nagsilbing special electoral board of inspectors doon sa nasabing presinto,” dagdag niya.

Una nang sinabi ng Commission on Elections (Comelec) Commissioner George Garcia na mga mock ballots ang makikitang pinupunit sa kumakalat na video online at hindi ito ginamit noong botohan.

Ayon pa sa pulisya, iba-ibang bersyon ng video ang kumalat sa social media, kung saan ilan ang inedit na para magpakalat ng duda sa integridad ng halalan.

Ang tanging video na naberipika ng PNP ay ang sa Cotabato City kung saan awtorisado ang mga pulis na punitin ang mga balota pagkatapos na magsara ang mga polling precinct dakong alas-7:00 ng gabi noong Mayo 9.

“Iba-iba kasi ang lumalabas na video at tinitingnan na yan ng PNP anti-cybercrime group dahil it appears na pinagdikit-dikit po ‘yung ating mga video,” saad pa ni Fajardo. RNT/ JCM