Premature deadline ng SIM registration, irekonsidera – solon

Premature deadline ng SIM registration, irekonsidera – solon

January 15, 2023 @ 12:07 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Hinimok ni Albay Rep. Joey Salceda ang Department of Information and Communication Technology (DICT) na irekonsidera ang deadline na itinakda nito para sa SIM card registration sa bansa.

Ani Salceda, ang April 29 na deadline para rito ay “premature” dahil hindi pa naman alam kung gaano nga ba kabilis na makakapagparehistro ang mga Filipino.

“Registration, as per the law, should really end by June 27, 2023. And that’s still extendible,” aniya.

Ipinunto rin ni Salceda, chairman ng House ways and means committee na saad sa Republic Act 11934 o ang SIM Registration Act na ang registration period na nagsimula noong Disyembre 27, 2022 ay 180 na araw.

Ngunit sa ilalim ng implementing rules and regulations nito, maaari pang mapalawig ng 120 araw ang deadline ng SIM registration.

“Absent any effort to make the registration more inclusive and accessible, moving the deadline earlier is not the right way to go,” giit ni Salceda.

“It’s highly unusual to make that decision. Whatever the merits, let’s just stick to what the law says.”

Ipinaliwanag din nito na hindi lahat ng subscribers ay makakaabot sa deadline.

“Remember that the registration is mostly online, and you have some 3 million Filipino mobile users who are not using smartphones. So, let’s be fair to them,” aniya.

“Another 1.3 million young users of smartphones do not have any reliable access to mobile data. And if you deactivate their SIM, you would affect their studies,” dagdag pa nito.

Sa datos, hanggang nitong Enero 12 ay mayroong kabuuang 18,531,223 SIM cards ang naiparehistro na.

Nauna nang sinabi ng DICT na wala pa silang plano na palawigin ang deadline dahil sa bumababang numero ng mga reklamo na natatanggap nila kaugnay ng registration process. RNT/JGC