Presensya ng PCG sa WPS, pinaigting

Presensya ng PCG sa WPS, pinaigting

February 17, 2023 @ 12:10 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Pinalakas ng Philippine Coast Guard (PCG) at pinataas ang presensya at operasyon nito sa West Philippine Sea (WPS) ayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sinabi ng PCG na ipinakalat ni Commandant Admiral Artemio Abu ang “isa sa pinakamalaking maritime asset ng PCG Fleet” ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) sa Kalayaan Island Group (KIG) noong Enero 28.

Ayon pa sa PCG, sumakay ang mga tripulante ng BRP Magbanua sa mga Filipino fishing boat sa karagatan sa loob at paligid ng KIG upang payuhan ang mga mangingisda at tripulante ng mga Pilipino na i-radyo sa PCG o Armed Forces of the Philippines (AFP) shore units ang anumang kinakailangang tulong.

Habang papalapit ang summer season, inaasahan ng PCG na tataas nang husto ang bilang ng mga Filipino fishing vessel na naglalayag at nangingisda sa WPS.

“As the PCG steadily strengthens and increases its Maritime Patrol, Search and Rescue, and Law Enforcement operations in the WPS, it remains firmly committed to safeguarding Philippine interests and rights within the bounds of international law and conventions,” sabi ng PCG.

Naglabas ng pahayag ang PCG sa gitna ng tensyon kasunod ng panunutok ng laser noong Feb. 6 ng Chinese coast guard sa PCG crew sa Ayungin Shoal.

Ang insidente ang nagtulak sa Department of Foreign Affairs na maghain ng diplomatikong protesta laban sa China.

Ipinatawag naman ni Marcos si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian para talakayin ang isyu.

Samantala, naitaboy ng PCG ang isang Vietnamese fishing vessel na namataan sa kagaratan ng Pilipinas kasabay ng mas pinalakas na presensya at pagpapatrulya sa West Philippine Sea partikular sa Kalayaan Island group.

Sa ulat ng PCG, agad nagpadala ng radio challenge sa Vietnamese fishing vessel at inatasan lisanin ang loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Agad din anilang inilabas ang kanilang rigid hull inflatable hauls para inspeksyunin ang naturang sasakyang pandagat.

Agad namang umalis ang fishing vessel kasama ang BRP Teresa Magbanua. Jocelyn Tabangcura-Domenden