Presidentiables may opinyon sa kahandaan ng Pinas sa COVID surge

Presidentiables may opinyon sa kahandaan ng Pinas sa COVID surge

March 20, 2022 @ 9:40 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Siyam na presidential candidates ang nagbigay ng kani-kanilang posisyon at opinyon hinggil sa kung handa ba ang Pilipinas sa panibagong surge ng COVID-19.

Sa isinagawang “Comelec PiliPinas Presidential Debates: The Turning Point” na inorganisa ng komisyon, isa-isang nagbigay ng kanilang posisyon at opinyon sina Vice President Leni Robredo, Senador Panfilo Lacson at Manny Pacquiao, Manila Mayor Isko Moreno, dating presidential spokesperson Ernesto Abella, dating Defense chief Norberto Gonzales, labor leader Leody de Guzman, businessman Faisal Mangondato at laywer-physician Jose Montemayor.

“We should have learned our lesson in the last two years and even from the experience of other countries,” ayon kay Robredo.

Tinukoy nito ang Hong Kong kung saan muling sumirit ang COVID-19 cases dahil sa ulat na mababang vaccination rate lalo na sa mga seniors.

“Ang unang tututukan ko, kailangan mapaigitng iyong vaccination rito sa atin, only 58% finished first and second dose, 16% finished booster shots, our initial target is 77 million fully vaccinated, we are still short by 13 million,” ani Robredo.

“We should not wait for another surge to improve testing, tracing, treatment. What happened to testing? The problem was inaccessibility and it was too expensive On tracing, those many apps should be consolidated under a centralized app so we will have a uniform database for treatment, we should focus on rolling out Universal Health Care program,” dagdag na pahayag nito.

Pinaburan naman ni Gonzales ang sinabi ni Robredo hinggil sa pangangailangan na paigtingin ang vacciation campaign.

“Tama po yung sinabi ni Vice President Robredo. Yun pong ating vaccination kailangan, i-review natin ang proseso…Importante po ang vaccination ay iayos po natin yung coverage as much as possible,” ani Gonzales.

“Siguro dapat pumunta na tayo sa United Nations . Sabihin natin bakit ba ang gamot sa pandemya ay ginagawa pa nating negosyo. Dapat sana ay i-aapeal na po natin,” aniya pa rin.

Para kay Lacson, dapat na “institutionalize” ang ginagawang pagtugon ng pamahalaan sa pandemiya upang sa gayon ay maging “proactive and not reactive” ang gobyerno sa krisis sa pangkalusugan sa hinaharap.

“It is not a question kung handa o hindi handa ang Pilipinas. Dapat lagi tayong handa for the next pandemic, Deltacron man maski anong variant, o bagong pandemic,” ani Lacson.

Inalala nito ang paghahain noong May 2020 ng panukalang batas na magtatatag sa Virology Institute of the Philippines (VIP) na hanggang ngayon ay nakabinbin pa sa Senado.

Sa ilalim ng 2022 national budget, kailangan ang P982 milyong piso para magsimula ang VIP.

“So ipu-pursue ko ito dahil ito ang magliligtas sa atin. Di na tayo mag-i-import. Lalakasan natin ang research and development sa pamamagitan ng Virology Institute,” ani Lacson sabay sabing tanging 0.4% sa national budget ang nakalaan para sa research projects ng bansa.

“Now while we transition from a state of pandemic to endemic state…Digitalize natin, institutionalize and ating pandemic response. Dapat mayroon na tayong pandemic playbook na nakahanda. ‘Yan and kulang natin. Lagi tayong nabubulaga,” anito.

Muli naman nitong inulit ang pangangailangan na ikasa ang “stricter border control” at ang full funding sa Universal Health Care Act upang maging handa ang Pilipinas sa “future health crises.”

Samantala, gagamitin naman ni Moreno ang natitirang budget mula Bayanihan 1 at 2 para bumili ng kagamitan, magtayo ng COVID-19 field hospitals, at bumili ng COVID-19 drugs.

“Ibig po sabihin, we can learn how to live with COVID-19 and go back to work easily. ‘Yun pong magiging direksyon natin,” ani Moreno.

Aayusin din nito ang Philippine Health Insurance Corporation.

“Makakayanan ng Pilipinas yan if we will be aggressive in test, trace, and treat. Napaka-importante na we have to prevent this. Prevention is the best part of managing the whole thing. Ang also eventually, mitigation,” ang pahayag naman ni Montemayor.

Sinabi naman ni Labor leader Leody De Guzman na hindi dapat pinagbabatayan ng gobyerno ang ginagawang pagtugon ng pribadong sektor sa COVID-19 pandemic.

Giit nito, hindi dapat na itinuturing na “negosyo” ang health crisis.

“Una, akuin ng gobyerno ‘yung responsibilidad sa kalusugan ng ating mamamayan. Huwag iasa sa pribado, huwag nating gawing negosyo ‘yung usaping kalusugan ng ating kababayan,” ayon kay De Guzman.

Inulit nito ang pangangailangan na matiyak ang food security upang hindi mahawa ng kahit na anumang virus ang mga mamamayan.

Dapat din aniyang bigyan ng sapat na pondo ang health sector upang maibigay ang pangangailangan ng mga healthcare workers. Dapat ding iprayoridad ang “research and development” upang makapag-isip ng gamot at maging bagong bakuna para sa COVID-19.

“Competitive individuals should also lead the Department of Health,” anito.

Para naman kay Pacquiao, dapat na paigtingin ng pamahalaan ang implementasyon ng minimum public health standards sakali’t magkaroon ng panibagong COVID-19 surge sa bansa.

“Hindi naman masabi na ready tayo. Ang kailangan lang nating ipatupad ‘yung strikto nating pagsusuot ng mask at matuto tayong mamuhay na kasama ang COVID. Higit sa lahat, ‘yung contact tracing paigtingin pa. For the meantime, siguro isarado natin ‘yung mga borders natin para hindi po muna mas lalong laganap pa at pumasok ‘yung mga virus dito sa ating bansa,” ani Pacquiao.

Gayunman, binigyang diin ni Pacquiao na hindi dapat pilitin ang publiko na itigil ang kanilang trabaho dahil ang kailangan lamang naman ng mga ito ay sumunod sa health protocols na itinakda ng IATF.

‘Tuloy po ang hanapbuhay ng mga tao. Hindi po natin sila pipigilan. Kailangan lang talaga sumunod sila sa mga protocol ng IATF para hindi po tayo maging dahilan sa pagdami ng virus sa ating bansa,” dagdag na pahayag nito.

Aniya pa, dapat na ilaan ang budget sa mga sektor na kailangang-kailangan talaga ang pondo para labanan ang COVID-19 at hindi para sa mga hindi naman kailangan na proyekto.

Para naman kay presidential candidate at negosyanteng si Faisal Mangondato, dapat na maghanap ang gobyerno ng alternatibong gamot sa bansa upang hindi lamang umasa sa COVID-19 vaccines.

Dapat ding makinig sa mga health experts sa pagtugon sa recovery o pagbangon ng bansa sa gitna ng banta ng COVID-19.

Sinabi naman ni Abella na tutugunan niya ang COVID-19 pandemic sa pamamagitan ng “less authoritative but more consultative.”

Ide-develop aniya niya ang “health security council” na kinabibilangan ng mga opisyal mula Department of Health (DOH), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Trade and Industry (DTI), at civil society members para mag-implementa ng mas maraming konsultasyon sa mga tao.

Gayunman, sinabi nito na ang “backbone” ng kanyang pagtugon ay libreng mass testing, contract tracing, at pagpapatupad ng lockdowns.

“Kailangan po maasikaso din natin yung pangangailangan ng ating mga healthcare workers and aside from that meron po tayong kailangan po talagang maaddress pa rin yung mga concerns lalo na ang mga taong alanganin sa vaccines. We should be able to address those because part of the concern is that while there is a risk, there should be alternatives allowed,” dagdag na pahayag nito. Kris Jose