Presidentiables naglatag ng kanilang posisyon sa proteksyon ng OFWs

Presidentiables naglatag ng kanilang posisyon sa proteksyon ng OFWs

April 4, 2022 @ 9:23 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Limang presidential candidates ang nagpahayag na dapat na siguraduhin ng pamahalaan ang proteksyon ng mga overseas Filipino workers (OFWs), kabilang na ang mga undocumented ones.

Sa pangalawang presidential debate na inorganisa ng Commission on Elections (Comelec), sinabi ni Vice President Leni Robredo na nalulungkot siya kung paano hindi ma-enjoy ng mga undocumented OFWs ang kahalintulad na proteksyon na ibinibigay sa mga documented.

Upang matugunan ito, sinabi ni Robredo na kailangan ng pamahalaan na hikayatin ang mga undocumented OFWs na personal na magpunta sa Philippine embassies at consulates upang maipabatid sa mga ito ang kanilang problema at kagyat na mabigyan ang mga ito ng tulong.

“We should have a program incentivizing undocumented OFWs for them to appear in embassies o sa ating consulates, na ipaalam na nandun sila para pag may problema ay matulungan sila,” ayon kay Robredo.

Dapat din aniya na may “agreement on portability” kung saan maaaring i-enjoy ng OFW ang kanyang retirement benefits mula sa kanilang employer kahit pa magde-desisyon itong bumalik ng Pilipinas.

“Yung mga nagre-retire natin na OFWs na gusto nang umuwi dito, ayaw nang umuwi dahil hindi nila nai-enjoy yung mga benefits na mai-enjoy nila dun sa mga pinagtatrabahuhan nila,” ang pahayag ni Robredo.

Para naman kay Dr. Jose Montemayor Jr., ang mga undocumented OFWs ay “prone to abuse by their employers or also by companies of whom they work.”

Tinukoy nito, sa kasalukuyan, ang bansa ay may kasunduan sa Malaysia, Indonesia at Singapore hinggil sa proteksyon ng mga migrant workers, kapuwa documented at undocumented.

“Sa hindi pagkakaalam ng maraming Pilipino, yan po ay operative na yan. Dapat lang yung undocumented workers, dapat ma-report po kaagad yan kahit saan man sila lalung-lalo na may disaster, may crisis, may pahirap na ginagawa ng kanilang employers, dapat mai-report sa embassies natin,” aniya pa rin.

Para naman kay Manila Mayor Isko Moreno, kailangan na pumasok ang gobyerno sa isang bilateral labor agreements para protektahan ang mga documented at undocumented Filipinos sa ibang bansa.

Ipinanukala rin nito ang pag-hire ng “good” labor officers sa Philippine embassies, at may nakahandang programa na makapagbibigay ng oportunidad sa mga OFWs na makapagnegosyo sa bansa.

Umaasa naman si Senador Manny Pacquiao na ang bagong nilikhang Department of Migrant Workers, at maging ang OFW Handbook law na kanyang inakda ay makatutulong na matiyak ang proteksyon ng mga OFWs.

Ang suhestiyon naman ni Senador Panfilo Lacson, ang implementasyon ng batas ukol sa Department of Migrant Workers ay dapat na “accelerated.”

“Ang problema doon ang transition period nito’y hanggang 2023. So mai-suggest ko lang po na dapat i-accelerate na lang natin ang transition at maging pro-active ang mga POLO (Philippine Overseas Labor Office) na magiging Migrant Workers’ Office,” ayon kay Lacson. Kris Jose