Presidential aspirants hati sa Anti-Terrorism Act ruling ng SC

Presidential aspirants hati sa Anti-Terrorism Act ruling ng SC

December 10, 2021 @ 7:02 AM 10 months ago


MANILA, Philippines –  Hati ang opinyon ng mga Presidential aspirant ukol sa naging ruling ng Korte Suprema sa kontrobersyal na anti-terrorism law.

Para kay Senator Panfilo Lacson, principal sponsor at isa sa mga may akda ng ATA sa Senado, masaya siya at pinapurihan niya ang nasabing desisyon ng Supreme Court.

Aniya na nanalo ang kapayapaan kontra sa karahasan o terorismo.

“Nagkaroon sila ng mahabang debate diyan pero by and large, talagang nanalo ‘yung peace. Alam mo ‘yung decision ng Supreme Court in just one short sentence, ‘peace wins over terror,’ ‘yun ang maliwanag doon,” ani Lacson.

Base kasi sa naging desisyon ng SC  idineklara nitong ‘unconstitutional’ ang ilang probisyon ng ATA.

Sa botong 12-3, ang Section 4 ng ATA ay idineklarang void dahil sa pagiging “overbroad and violative of freedom of expression.”

Nakasaad sa seksyon na ang pagprotesta ay kinokonsiderang terorismo kung may intensyon itong makapanakit.

Habang sa botong 9-6 vote, idineklara rin ng mga mahistrado ang ikalawang parte ng Section 25 bilang unconstitutional.

Nakasaad dito na pinapayagan ang Anti-Terrorism Council na i-adopt ang kahilingin sa designation ng ibang hurisdiksyon o supranational jurisdictions.

Sa kabilang banda, ibinabala naman ni Vice President Leni Robredo na dapat hindi maabuso ang ATA.

“We remain steadfast in our position: Any Anti-Terrorism legislation must truly address the root causes of terrorism, and should not be used as a pretext to stifle freedom of expression or legitimate dissent,” pahayag pa ng Presidential aspirant.

Hindi naman sang-ayon sa kabuuan ng batas si labor leader Leody de Guzman dahil maaaring malagay sa panganib ang mga indibidwal na kritikal sa gobyerno.

“Maghahasik ng lagim ang batas na ito sa mamamayang nagsasapraktika sa mga karapatan sa lehitimong protesta upang ipagtanggol ang kanilang sarili sa pang-aabuso ng iilan,” ani Leody.

 “Isasapeligro nito ang mga aktibista’t unyonista.”

Sa nasabing ruling ng SC, lahat ng porsyon na kinuwestyon ng mga petitioner ay pinanatili, kabilang na rito ang warrantless arrest at 24-day detention. RNT