Pres’l bets oks sa 4-day work week pero may agam-agam

Pres’l bets oks sa 4-day work week pero may agam-agam

March 20, 2022 @ 9:00 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Karamihan sa 9 na kandidatong dumalo sa presidential debates na inorganisa ng Commission on Elections (Comelec), araw ng Sabado ay pabor sa panukalang four-day workweek, subalit may ilang pangamba lalo na pagdating sa usapin ng sahod o suweldo.

Sinabi ni Vice President Leni Robredo, hindi dapat maapektuhan ang sahod ng mga manggagawa sa panukalang bagong setup.

“Iyong take home [pay] ng manggagawa dapat hindi ma shortchange,” ani Robredo.

“I am supportive of this lalo na kasagsagan ng pagtaas ng presyo ng gasolina,” dagdag na pahayag nito sabay sabing dapat munang idetermina ng gobyerno kung anong industriya magiging epektibo ang four-day workweek.

Sinusugan naman ni Ernesto Abella ang sinabi ni Robredo.

Aniya, “They (workers) should be given commensurate pay even if they are asked to have lesser work days.”

Para naman kay Labor leader Leody de Guzman, dapat na makatanggap ang mga manggagawa ng overtime pay kung sasabihan ang mga ito na magtrabaho ng mas mahabang oras para sa isang araw.

“Ang dapat gawin ‘yung four days… may 30% overtime pay,” ayon kay De Guzman.

Sinang-ayunan naman ni Senador Panfilo Lacson ang naging pahayag ni De Guzman ukol sa overtime pay, subalit sinabi nito na kailangan na amiyendahan ang Labor Code.

“Kailangan dito i-amend pa natin yung Labor Code para payagan, para hindi mag-demand yung ating mga manggagawa ng overtime pay pag lumampas na sila sa walong oras,” ayon kay Lacson.

Sa ilalim ng panukalang four-day workweek, ang mga manggagawa ay kailangan na mag-trabaho ng 10 oras sa halip na 8 oras gaya ng nakamandato sa batas na “40 hours per week.”

Gayunpaman, sinabi ni Lacson na suportado niya ang four-day workweek proposal, kahit na pansamantala lamang ito.

“Ako sumusuporta doon dahil sa mahal ng gasolina, imagine na lang isang araw na matitipid ng papunta, pati mga nagko-commute, ‘di mamamasahe,” ani Lacson.

“Compensate natin ang four-day workweek. Dagdagan natin ang oras ng trabaho sa halip na walong oras, 10 oras para 40 hours din and kanilan trabaho para ang sweldo maski arawan, ganoon din parang nagtrabaho ng limang araw. Temporary lang,” dagdag a pahayag nito.

Para naman kay Manila Mayor Isko Moreno, depende sa uri ng industriya ng mga mangaggawa dapat ikasa ang four-day workweek.

Iyong mga industriya aniya na kailangan ang pisikal na presensiya para tumaas ang produksyon.

“I think depende sa industriya. Kung BPO (business process outsourcing), for example, it can have one day work from home. I think that I agree,” ani Moreno.

“Pero may mga industriya tayo na kailangan ng physical presence to create more productivity, efficiency in production,” dagdag na pahayag nito.

Para naman kay Senador Manny Pacquiao, hindi dapat sakop ng four-day workweek ang lahat ng trabaho.

Kailangan aniyang excluded o hindi kasama ang manual jobs para sa 10 oras sa isang araw dahil malalagay sa panganib ang kalusugan ng mga manggagawa.

“Alalahanin na may mga trabaho na hindi madali, yung mabibilad ka sa araw buong araw, tapos 10 oras ka doon magtatrabaho, baka hindi ka na makapagtrabaho, magkasakit ka lalo,” ani Pacquiao.

Non-commital naman si Norberto Gonzales, dating Defense secretary, dahil kailangan munang tingnang mabuti ang panukalang four-day workweek.

“Depende kung ano ang objective kung bakit natin ginagawang four days. Titignan muna natin yan kung bakit,” ayon kay Gonzales.

Para naman kay Faisal Mangondato, kailangan munang pag-aralan ang nasabing panukala.

“Kailangang pag-aralan ang ganiyang proposal. Dahil lahat ng ginagawa sa atin ay nakasaad sa batas. Kung gagawin natin yung four days ay tataas naman ang oras na tatrabahuhin ng ating mga labor[er],” ayon kay Mangondato.

Sa panig naman ni Dr. Jose Montemayor Jr., sinabi nito na bagama’t magandang pakinggan ang four-day workweek, mayroon naman itong masamang epekto sa ekonomiya ng bansa.

“Tandaan niyo nasa pandemya pa tayo. Kailangang ma-stimulate ang ating economy by consumption, spending, fiscal stimulus. Yung three days na iyon [na walang pasok] sayang din yun. Pag hindi nagsi-circulate ang pera dito sa ating bansa, ang mangyayari lalong magiging stagnant and it may lead to stagflation,” anito.

Samantala, hindi na dumalo si dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos sa naturang debate. Kris Jose