Pres’l term nilimitahan, capital nagpalit-pangalan sa Kazakhstan

Pres’l term nilimitahan, capital nagpalit-pangalan sa Kazakhstan

September 18, 2022 @ 1:14 PM 2 weeks ago


KAZAKHSTAN – Nilagdaan ng Presidente ng bansang ito ang bagong batas na naglilimita sa mga termino ng pagka-pangulo, at ang pagbabalik sa lumang pangalan ng kabisera ng bansa sa Central Asia.

Nilagdaan ni Pangulong Kassym-Jomart Tokayev ang isang panukalang batas na naglilimita sa panunungkulan ng isang pangulo sa single seven year term na lamang.

Dati kasi ay limang taon ito pero pwede pang muling tumakbo sa ikalawang termino ang Pangulo.

Ibinalik din ng panukalang batas ang pangalan ng kabisera sa Astana. Ang pangalan ay pinalitan ng Nur-sultan noong Marso 2019, bilang parangal sa papalabas na pangulo na si Nursultan Nazarbayev.

Ang pagbabago ay epektibo kaagad, ayon sa isang kautusan sa website ng pangulo.

Nangyari ang pagsasabatas matapos na aprubahan ng parliament ang panukala noong Biyernes, at isang araw lang makalipas nang lagdaan na ito ni Tokayev.

Si Tokayev ang pumalit sa Nazarbayev noong 2019 na naghari sa bansa ng tatlong dekada.

Ang kasalukuyang Pangulo ng bansa ay naglunsad ng mga reporma at nanawagan para sa “completely new standards for a political system with fair and open rules of the game.”

Noong Enero, sumiklab ang mga kaguluhan sa bansa, na kalaunan ay nag-iwan ng higit sa 200 katao ang namatay.

Nanawagan si Tokayev para sa snap presidential elections ngayong taglagas — kahit wala pang kumpirmadong petsa. RNT