Preso, umarteng may sakit, tumakas

Preso, umarteng may sakit, tumakas

July 11, 2018 @ 1:55 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Isang preso ang nakatakas nang magkunwaring naninikip ang kanyang dibdib at isugod sa ospital ng mga tauhan ng MPD-Station 9.

Ayon sa ulat na ipinarating kay P/Supt. Roberto Domingo, station commander ng  MPD-PS 9, dumaan sa maliit na butas sa comfort room ng Ospital ng Maynila ang suspek na si Armand Arroyo, 35, ng Leveriza Street, sa Malate na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 (illegal possession at drug pushing) ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 at nakakulong sa detention cell ng Manila Police District (MPD)-Station 9.

Dahil sa pagtakas ng suspek, pinigil naman ng pulisya ang kanyang ina na si Ma. Teresa Arroyo, matapos na tulungan ang kanyang anak na matakasan ang kanyang mga police escorts na sina P01 Rolly Lidaño at PO1 Kelvin Ramirez, na iniimbestigahan na ngayon ng kanilang mga kasamahan.

Ayon pa kay Domingo, bago nakatakas ang suspek ay una itong dumaing ng pagkahilo, kombulsiyon at paninikip ng dibdib dahil sa sakit sa puso, dakong alas-3:00 kaninang madaling araw.

Dahil dito agad na ipinatawag ang kanyang ina at isinugod ng mga pulis sa naturang ospital upang magamot.

Kinabitan ito ng swero ng doktor upang makabawi ng lakas subalit pagsapit ng 3:30 ng madaling araw ay nagpaalam ang preso na gagamit ng palikuran at nagpasama pa sa kanyang ina.

Ilang sandali pa ay nakarinig na umano ng mga kalabog sa loob ng palikuran ang mga pulis kaya tinangka nilang pasukin ito sa CR dahil sa pag-aalalang tumatakas ang preso, pero pinigilan umano sila ni Ma.Teresa at sinabing walang kakayahan ang anak na tumakas.

Gayunman, laking panlulumo naman ng mga pulis nang matuklasang nakatakas na nga ang suspek, at nang hindi na makita pa ay ang ina na lamang niya ang binitbit sa presinto upang ikulong sa kasong obstruction of justice.

Sinabi ni MPD-Public Information Office (PIO) chief P/Supt. Carlo Manuel, posibleng dahil non-bailable ang kaso ni Arroyo kung kaya’t naisipan nitong tumakas at sinamantala ang mga nagaganap na pagkakasakit ng mga preso upang isagawa ang kanyang plano.

Samantala, iniutos naman na  ni MPD Director P/Chief Supt. Rolando Anduyan ang pagsasagawa ng manhunt operation para mahanap at maibalik sa bilangguan si Arroyo.

Iniimbestigahan na rin nito ang kanyang mga tauhan upang matukoy kung sino-sino ang mga  dapat managot sa pagtakas ng preso. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)