Presong namatay sa selda, pinalo sa ulo at katawan

Presong namatay sa selda, pinalo sa ulo at katawan

July 7, 2018 @ 1:41 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Lumalabas sa autopsy na blunt force trauma o pagkakapalo sa ulo at katawan at hindi septic shock ang ikinamatay ng inmate sa Manila Police District-Station 11.

Ayon kay Police Sr. Inspector Rommel Anicete, hepe ng Manila Police District-Homicide Section,  tukoy na rin ang mga suspek na kapwa preso ng biktimang si Johnny Valiente.

Nabatid na lumabas sa isinagawang post-mortem examination o autopsy ng biktima na hindi simpleng sakit ang kanyang ikinamatay.

Ayon pa kay Anicete, na-relieve na at iniimbestigahan ang mga jailer at warden ng nasabing istasyon base na rin sa rekomendasyon ni MPD District Director Sr.Supt Rolando Anduyan.

Mayroon na rin aniya silang testigo na makapagbibigay ng impormasyon sa totoong nangyari sa loob ng selda.

Matatandaan na Hunyo 6 nang maaresto ang suspek dahil sa kasong Estafa.

Hunyo 8 naman nang makita sa kuha ng  CCTV sa loob ng kulongan na lupaypay na ang biktima at pinapaypayan ng kapwa preso bago dinala sa ospital ngunit hindi na umabot pang buhay.

Una na ring nagpahayag ng pagkadismaya ang kaanak ni Valiente dahil hindi aniya sila naniniwalang namatay ito dahil lamang sa siksikan sa selda at dulot ng init ng panahon dahil wala naman aniyang sakit ang biktima.

Dahil sa insidente, tumulong na rin ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) kay Valiente para sa mabilis na pagresolba sa kaso at makamit ang hustiya na hiling ngayon ng kanyang pamilya.

Magta-tatlong linggo na rin matapos ang pagkamatay ng biktima ay hindi pa rin naiaalis ang bangkay nito sa punerarya. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)