Navotas City – Isang preso na may kasong iligal na droga na mahigit isang linggo nang nakakulong ang nakatakas sa sa Navotas Police Detention Cell, Biyernes ng hapon.
Si Emmanuel Bautista, 43 na naharap sa kasong paglabag sa Section 5 Article II ng R.A. 9165 or the Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ay nakatakas pasado alas -4 :00 ng hapon nang masalisihan ang kanyang bantay na pulis.
“Parang sumabay siya dun sa paglabas nung naka-duty na pulis nang hindi namamalayan” ayon sa nakasaksi.
Dahil dito agad na inatasan ni Navotas Police Chief Sr. Supt. Brent Milan Madjaco ang kanyang, mga tauhan na hanapin at hulihin ang suspek na naaresto noong July 23 sa isinagawang anti-illegal drug operation na inilunsad ng mga pulis sa Brgy. San Roque.
Ilang oras lang ang nakalipas ay muling naaresto si Bautista sa kanilang tahanan sa Brgy. San Roque pasado alas-5:45 ng hapon kaya agad naman itong naibalik sa kanyang selda.
Dahil dito ay inatasan ni Sr. Supt Madjaco ang natakasan na naka-duty na pulis na pansamantalang hindi muna pinangalanan na mag-submit ng kanyang explanation sa nasabing insidente habang nakatakda rin itong kasuhan ng administrative laban sa nasabing pabayang pulis. (Roger Panizal)