PRESUMED VALID NGA BA? (Last part)

PRESUMED VALID NGA BA? (Last part)

October 5, 2022 @ 4:23 PM 2 months ago


IBIG ba sabihin na kahit kitang-kita na MALI ANG ORDINANSA ay PRESUMED VALID PA RIN? Ibig ba sabihin kahit may national law RA 4136 na nagsasaad na LTO lang at mga deputized enforcer nito ang pwede mangumpiska ng driver’s license ay PRESUMED VALID pa rin ang ordinasa ng Manila?

Ibig bang sabihin na kahit malinaw na nakasaad sa RA 4136 na NO PROVINCIAL BOARD, CITY OR MUNICIPAL BOARD OR COUNCIL SHALL ENACT OR ENFORCE ANY ORDINANCE OR RESOLUTION IN CONFLICT WITH THE PROVISION OF THIS ACT ay presumed valid pa rin ang ordinansa?

Ang Constitutional principle na PRESUMED VALID ang isang ordinansa ay HINDI ABSOLUTE. Kung ganoon ay hindi nagiging maingat ang mambabatas natin sa pagpasa ng panukalang batas. Pasa na lang nang pasa kasi anyway PRESUMED VALID naman. Hindi rin magiging maingat ang mayor at pirma na lang nang pirma at patupad na lang nang patupad ng ordinansa dahil PRESUMED VALID naman.

At aasahan pa ba natin ang isang ordinaryong motorista na gagastos pa para kumuha ng abogado at magsampa ng kaso sa husgado para atakihin ang PRESUMED VALID na ordinansa?

Kapag ang ordinansa ay MALINAW na salungat sa isang national law o kaya ay lumalapastangan na sa karapatan ng tao, baligtad na ang presumption. Ang nagpapatupad na ng batas ang dapat magpatunay na valid ang pinatutupad niya.

Katulad dito sa pagkumpiska ng lisensya, sumunod muna sa DILG at pag-aralan muna ang ordinansa. Isuspinde muna ang pagkumpiska ng lisensya.

Kung sumunod ang ibang LGU tulad ng QC hindi naman siguro masama kung susunod din ang Maynila kaysa pairalin ang katwirang PRESUMED VALID ang ordinsa.

Ang memo ng DILG sa mga LGU bagamat hindi kaya ipawalang-bisa ang mga ordinansa ay isang kautusan na dapat sundin.

PRESUMED VALID din ang DILG MEMO dahil ipinalabas ito “in the performance of the regular duties of the DILG SECRETARY WHO IS AN ALTER EGO OF THE PRESIDENT”.

oOo oOo oOo

Atty. Ariel Inton
President, Lawyers for Commuters Safety and Protection
09178174748