Presyo ng agri products tumaas sa bagyong Paeng – DA

Presyo ng agri products tumaas sa bagyong Paeng – DA

November 3, 2022 @ 3:13 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Iniulat ng Department of Agriculture nitong Huwebes, Nobyembre 3 na nakapagtala ng pagtaas sa presyo ng mga agricultural commodities dulot ng bagyong Paeng.

Hindi na idinetalye pa ni DA spokesperson at Assistant Secretary Kristine Evangelista ang paggalaw ng presyo ng mga naturang produkto sa Metro Manila.

“Sa ating trading post po medyo bumaba ‘yung mga dinadala, ‘yung volume na dinadala na ating mga produkto dahil nga po dun sa mga dinadaanan,” sinabi ni Evangelista kasabay ng public briefing.

“With that, we are working closely with the local government units (LGUs) and hopefully, ‘yung ating trading po, both the volume and the prices sa trading post po will go back to pre-typhoon (levels) para po ‘yan will also help us try to stabilize the prices,” dagdag pa niya.

Sa datos ng DA nitong Miyerkules ng hapon, Nobyembre 2 ay nakitang umakyat na sa P2.74 bilyon ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura mula sa P1.33 bilyon nitong Lunes.

Para naman sa Department of Trade and Industry, mayroon silang sapat na suplay ng mga pangunahing pangangailangan at nakikipagtulungan na sa Philippine Chamber of Food Manufacturers upang masiguro na matutugunan pa ang pangangailangan para rito. RNT/JGC