Presyo ng asukal, inaasahang magiging stable sa sunod na buwan – SRA

Presyo ng asukal, inaasahang magiging stable sa sunod na buwan – SRA

August 24, 2022 @ 3:20 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inaasahang magiging stable  ang presyo ng asukal sa susunod na buwan dahil na rin sa pagsisimula ng milling season.

Sinabi ni Sugar Regulatory Administration (SRA) Acting Administrator David Alba na ang sugar milling ay nagsimula na at ang full operations nito ay inaasahan sa kalagitnaan ng Setyembre.

 “It will take about a month until it reaches Manila. In a month’s time ma-stabilize na ang presyo,” ayon kay Alba.

Ang presyo aniya ng refined sugar ay maaaring pumalo sa “P80 per kilo.”

Sa data na ipinalabas ng Department of Agriculture’s (DA) monitoring “as of August 22” makikita na ang umiiral na presyo ng refined sugar ay P100 kada kilo habang ang washed sugar ay mabibili sa P75 kada kilo habang ang brown sugar ay P70 kada kilo.

Samantala, may ilan namang supermarkets ang nagsimula nang magbenta ng refined white sugar  halagang P70 kada kilo subalit  limitado lamang sa isang kilo kada isang customer.

Napaulat na pinagbigyan kasi ng mga nagmamay-ari ng supermarket at grocery chains ang request ni Pangulong Ferdinand  Marcos Jr. na ibaba nila ang presyo ng asukal sa P70.00 mula sa P90-P110 kada kilo.

Dahil dito. pinuri ni Pangulong Ferdinand Marcos  Jr. ang walang pag-iimbot na tugon ng mga negosyante na batid kung kailan ibaba ang kanilang dapat sana’y magiging tubo para sa kapakanan ng  mga Filipino consumers na labis na naghihinagpis mula sa  kamakailan lamang na pagtaas ng presyo ng asukal at iba pang pangunahing bilihin.

“This is a classic display of the Filipino spirit of ‘bayanihan’ and love of country. It is good to know that consumers are now enjoying the price-drop of sugar in the leading groceries and supermarkets,” ayon kay Pangulong Marcos.

Matatandaang, pumayag ang mga malalaking supermarkets sa bansa na ibaba ang preyso ng kada kilo ng asukal na kanilang ibinebenta. Kris Jose