Presyo ng asukal, lampas P100/kilo sa ilang pamilihan sa Metro Manila

Presyo ng asukal, lampas P100/kilo sa ilang pamilihan sa Metro Manila

October 3, 2022 @ 8:10 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Lampas pa sa P100 kada kilo ang presyo ng asukal sa mga piling pamilihan sa Metro Manila, bago sumapit ang milling season at ang nakatakdang pag-angkat nito sa mga susunod na buwan.

Batay sa ulat, ang presyo ng asukal sa Blumentritt, Manila ay tumaas ng P11 kada kilo sa P107.

Sa Trabajo Market sa Sampaloc, pumalo naman sa P100 kada kilo ang presyo ng asukal.

Batay sa pinakabagong datos mula sa Department of Agriculture (DA), ang presyo kada kilo ng asukal ay may average na P100 para sa refined sugar, P75 para sa washed sugar, at P80 para sa brown sugar sa Metro Manila hanggang nitong Setyembre 29, 2022.

Sa kasalukuyan ay wala pang komento ang Sugar Regulatory Administration (SRA) ukol dito.

Magugunitang nag-isyu ang ahensya nitong nakaraang buwan ng Sugar Order 2, na nagbibigay-awtorisasyon sa pag-angkat ng 150,000 metric tons (MT) ng refined sugar, kung saan mapupunta ang 75,000 MT sa industrial users at ang natitirang 75,000MT para sa consumers.

Sinabi ni SRA Acting Administrator David Alba nitong nakaraang buwan na ang local supply ay nakatakdang bumalik sa normal sa Nobyembre sa milling season.

Nauna nang ipinalabas ng SRA ang Sugar Order 1, na naglalaan ng sugar production para sa crop year 2022-2023 para sa domestic use. RNT/SA