Presyo ng asukal sa Metro Manila markets, tumaas

Presyo ng asukal sa Metro Manila markets, tumaas

January 16, 2023 @ 8:38 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Tumaas ang presyo ng asukal sa Metro Manila, na ayon sa producers ay maaaring mabago kapag bumaba ang presyo ng produktong petrolyo at fertilizer.

Batay sa Department of Agriculture (DA) monitoring, naglalaro ang presyo sa Metro Manila mula P90 hanggang P110 kada kilo para sa refined; P83 hanggang P95 kada kilo para sa washed; at P80 hanggang P97 para sa brown sugar hanggang nitong Biyernes.

Base sa United Sugar Producers Federation of the Philippines (UNIFED), ang mas mataas na presyo ay dahil sa traders at retailers, subalit maaaring mabago kapag nagbaba ang presyo ng ilang produkto.

“‘Yung mga trader at saka retailer sila naman ang nagpapataas eh, hindi naman ‘yung planter,” pahayag ni UNIFED President Manuel Lamata nitong Linggo.

“Basta ‘yung fuel price po, bababa din sa P40, and then ‘yung fertilizer bababa sa 800 (pesos), lahat po ibabalik natin, pwede ibalik natin,” dagdag niya.

“Ayaw din po ng mga farmers natin na sobrang tumaas ‘yung retail kasi po ‘pag sobrang tumaas ‘yung retail, magiging issue siya and then papasok ‘yung gobyerno, i-force ng gobyerno ibaba ‘yung retail,” sabi ni Pablo Azona, planters’ representative sa Sugar Regulatory Board.

“‘Yung problema naman dun po, ‘yung kita ng mga tao in between, hindi naman nila po babawasan. Ibababa nila ‘yung retail, kawawa na talaga si farmer. Naiipit siya kasi sa baba,” patuloy niya.

Para naman sa Department of Agriculture (DA), sinabi nito na binabantayan ang sitwasyon  katuwang ang Sugar Regulatory Administration (SRA).

“We are closely coordinating with the Sugar Regulatory Administration on the harvest at saka ‘yung atin pong production at saka ‘yun ating pong pag-distribute sa ating mga markets,” ani DA Deputy Spokesperson Rex Estoperez. RNT/SA