Presyo ng basic goods, tumaas sa gitna ng Christmas season – supermarkets group

Presyo ng basic goods, tumaas sa gitna ng Christmas season – supermarkets group

November 28, 2022 @ 10:00 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Tumaas ang presyo ng basic goods nang 2% hanggang 13% sa nakalipas na mga linggo sa gitna ng Christmas season, ayon sa Philippine Amalgamated Supermarkets Association Inc. nitong Lunes.

“Ang itinaas around 2% to around, merong as high as 13%, certain items,” ayon sa presidente ng grupo na si Steven Cua.

Inihayag ni Cua na karamihan sa nagmahal na items ay sugar-related gaya ng ready-to-drink beverages, chocolate, jelly, at peanut butter.

Idinagdag niya na mahigit 20 manufacturers ang humirit ng price increase, kabilang sa non-essential items.

“Let’s say 50, 100 items, itinataas nila 20. Inuudlot nila, paunti-unti, ayaw nila maubusan o mawalan ng market share,” aniya.

Para naman sa Noche Buena items, inihayag ni Cua na pwedeng piliin ng buyers ang mas muarang variants.

“Merong itinaas, siguro mga 13% ang imported fruit cocktail. Ang local hindi tumaas nang ganyan,” sabi niya.

Kamakailan ay nagpalabas ang Department of Trade and Industry (DTI) ng price guide para sa consumers at retailers sa pagbili ng Noche Buena products ngayong kapaskuhan. RNT/SA