Presyo ng diesel sa Boracay, P97 kada litro!

Presyo ng diesel sa Boracay, P97 kada litro!

March 16, 2022 @ 3:00 PM 3 months ago


BORACAY, Philippines – Sumipa na sa P97 ang presyo ng kada litro ng diesel sa Boracay, matapos na ipatupad nitong Martes ang bigtime price hike sa mga produktong petrolyo.

Nabatid na nakadepende sa lugar ang presyo ngayon ng mga produktong petrolyo.

Sa Puerto Princesa City, Palawan pumalo na rin sa P80 ang presyo ng kada litro ng diesel.

Sa Metro Manila, ilang motorcycle riders na rin ang umaaray sa napakamahal na presyo ng langis kaya ilan sa kanila ang hindi na halos makapagpa-gas ng isang litro.

Ayon naman sa National Public Transport Coalition, may mgha jeepney drivers ang hindi na rin nakakapamasada dahil sa taas ng presyo ng petrolyo.

Kung hindi pa rin matatanggap ang fuel subsidy ngayong lingo ay baka ituloy nila ang planong tigil-pasada sa Lunes.

Samantala, para makatulong sa mga pasaherong mahihirapang sumakay, nag-alok na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng libreng sakay sa Commonwealth Avenue habang inihanda na rin ng lokal na pamahalaang lungsod ng Quezon ang kanilang free ride.

Nabatid na 11 magkakasunod na linggo nang nagpatupad ng taas-presyo sa petrolyo ang mga kumpanya ng langis.

Ayon sa Department of Energy, posibleng sa susunod na lingo ay magkaroon ng bigtime oil price rollback bunsod ng lockdown sa China at kung magtutuloy-tuloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Ukraine at Russia. RNT/ JCM