Presyo ng gamot pabababain; kartel sa pharma firms bubuwagin ni PBBM

Presyo ng gamot pabababain; kartel sa pharma firms bubuwagin ni PBBM

July 26, 2022 @ 6:58 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinimulan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pakikipag-usap sa mga kompanya ng gamot sa Pilipinas at sa ibang bansa.

Layon nito na magkaroon ng sapat na suplay ng gamot ang mga mamamayan na kailangan ng mga ito sa pang-araw-araw.

Sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City, araw ng Lunes, Hulyo 25, hinikayat ni Pangulong Marcos ang ibang bansa na buksan ng mga ito ang merkado upang bumaba ang presyo ng gamot.

“Halimbawa, kung mas marami ang mas murang generic o hindi branded na gamot sa merkado, mas bababa rin ang presyo dahil sa kumpetisyon,” ayon kay Pangulong Marcos.

Sa kabilang dako, nakikipag-usap na ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga interesadong manufacturer ng generic drugs na papasok sa Pilipinas.

Ipinag-utos naman ng Pangulo sa Philippine Competition Commission ang pantay-pantay at walang kartel sa hanay ng mga pharmaceutical companies.

“Dahil kapag bukas ang merkado, bababa ang presyo ng gamot para mapakinabangan ng ating mga mamamayan,” ayon kay Pangulong Marcos.

“This is one of the hard lessons that we learned when the pandemic struck, and therefore, we must act on that shortcoming,” dagdag na pahayag nito. Kris Jose