Presyo ng gulay tataas pa bago mag-Pasko – DA

Presyo ng gulay tataas pa bago mag-Pasko – DA

December 14, 2022 @ 10:15 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inaasahan na tataas pa ang presyo ng mga gulay bago sumapit ang araw ng Pasko.

Ito ang sinabi ni Department of Agriculture spokesperson Rex Estoperez kasabay ng Laging Handa public briefing nitong Martes, Disyembre 13 kung saan nakatatanggap umano sila ng mpormasyon na nagsimula nang tumaas ang presyo ng mga gulay sa ilang pamilihan.

“Mayroon kaming impormasyon na iyong atin pong mga gulay, galing doon sa northern area, nagtaasan din, lalung-lalo na sa panahog natin sa pansit. Pero base doon sa information natin, bumaba na rin po iyong presyo dahil sa dami ng supply rin doon sa mga area na iyon. So we’re expecting na sana naman na ang atin pong mga gulay na ‘yan na kailangan natin sa Pasko ay ang presyo din dapat reasonable din,” pahayag ni Estoperez.

Sa pinakahuling price monitoring watch ng DA nitong Disyembre 13, ang repolyo ay ibinibenta ng P140 kada kilo, mas mataas ng P20 isang araw bago ang naturang monitoring.

Nananatili naman ang presyo ng carrots sa P100 kada kilo, sibuyas sa P300 kada kilo at imported at lokal na bawang sa P100 at P250 kada kilo.

Sa kabila nito, bumaba naman ang kada kilo sa presyo ng patatas at kamatis ng P10.

Ani Estoperez, ang presyo ng mga gulay na mula sa Baguio ay dapat na abot pa rin sa badyet ng mga mamimili.

“Pero naglilitanya po iyong ating mga retailer. May binabayaran silang ganito, may binayaran na gasolina, iyong handling, iyong tubig, iyong puwesto. Iyon ang litanya nila,” paliwanag ni Estoperez.

Nanawagan naman ang DA na makipagtulungan ang mga market administrators sa pagbabantay sa presyo ng mga paninda. RNT/JGC