Presyo ng itlog tataas sa banta ng bird flu, mahal na patuka

Presyo ng itlog tataas sa banta ng bird flu, mahal na patuka

August 3, 2022 @ 10:14 AM 1 week ago


MANILA, Philippines- Inabisuhan na ng mga supplier ang mga vendor na magtataas ang presyo ng itlog dahil sa banta ng bird flu at mahal na feeds, ayon sa ulat nitong Miyerkules.

Sa kasalukuyan, pumapalo ang presyo ng itlog sa P7 hanggang P8 sa Balintawak Market sa Quezon City.

Sinabi ng isang nagtitinda na tataas ng P6 kada tray ang presyo ng itlog sa Huwebes. Aniya pa, tataas ng P0.50 kada piraso ang presyo ng itlog sa pamilihan.

Idinagdag din niya na itinataas ng mga supplier ang presyo ng itlog kada tatlo hanggang apat na araw.

Inilahad naman ng mga supplier na itinataas ang presyo ng itlog dahil limitado lamang ang bilang ng kanilang laying hens dahil sa pagkakasakit ng iba. Bukod dito, tumaas din umano ang presyo ng patuka.

Samantala, inihayag ni Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary Kristine Evangelista na kinukumbinsi nila ang producers na taasan ang produksyon dahil sa mataas na demand sa itlog.

“Patuloy po kaming nakikipag-ugnayan sa ating mga producers para dagdagan po nila kasi ang nakuha po naming balita ay meron tayong mga ibang producers na nagbawas ng kanilang production,” aniya.

Sinabi rin niya na nagdadalawang-isip ang ibang producer na mag-operate nang full capacity dahil sa banta ng bird flu.

Tutulungan din umano ng Bureau Of Animal Industry ang mga producers sa pagbibigay ng agricultural inputs sa gitna ng mataas na presyo ng feeds. RNT/SA