Presyo ng LPG posibleng tumaas sa Disyembre – DOE

Presyo ng LPG posibleng tumaas sa Disyembre – DOE

November 28, 2022 @ 7:28 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Posibleng tumaas ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) products sa Disyembre  subalit magpapatuloy umano ang bawas-presyo sa produktong petrolyo, ayon sa Department of Energy (DOE).

Sinabi ni DOE Oil Industry Management Bureau director Rino Abad na ang posibleng price hike sa LPG products ay dahil sa inaasahang global demand.

“Itong November, December, ito po yung pressure months dahil dito po ang buildup ng inventory dahil gumagamit ang northern hemisphere countries ng LPG for heating requirements sa winter period,” pahayag ni Abad. “Ito ay gagamitin dire-diretso, January, February, March ng next year, so inaasahan natin na tataas.”

Hanggang nitong Nobyembre, ang presyo ng LPG products ay tumaas ng ₱3.50 kada kilo habang ang presyo ng auto LPG ay tumaas ng ₱1.95 hanggang ₱1.96 kada litro.

Sa kabila ng posibleng pagtaas sa presyo ng LPG products, ang presyo ng gasolina at diesel ay  patuloy na matatapyasan.

“Mataas ang possibility na pataas sa LPG ang price, pero posible talagang pababa dun sa [fuel] products except lang kung ang sama na naman ng desisyon ng OPEC+,” ani Abad. “When I say masama, baka yung 2 million na target nilang pagbabawas ngayong month ng November ay dagdagan pa nila.”

Inihayag ng OPEC+ nitong Oktubre na tatapyasan nito ang oil production ng 2 million barrels kada araw, ang pinakamalaking bawas mula nang magkaroon ng pandemya, simula Nobyembre. RNT/SA