Presyo ng mga de-lata nais pataasan

Presyo ng mga de-lata nais pataasan

October 19, 2022 @ 8:05 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Humirit ang ilang manufacturers ng mga de-lata o canned goods na magtaas ng presyo sa kanilang mga produkto dahil sa pagtaas din ng mga sangkap at raw materials sa paggawa nito.

Ayon sa Department of Trade and Industry nitong Martes, Oktubre 18 humihirit ng P0.50 hanggang P5 na taas-presyo ang mga gumagawa ng sardinas, canned meat, kape at evaporated milk.

Sa ngayon ay hinihintay pa ng ahensya ang mga dokumentong ipapasa nila upang suportahan ang hiling na pagtaas ng presyo.

Isa sa mga sangkap na ginagamit sa mga de-lata ay ang mechanically deboned meat na isa sa nagmahal kamakailan.

“Wala tayong MDM dito. So they import it. Nagmo-move yung presyo, so we want to verify from them also,” sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo.

Maliban sa mga de-lata, inaasahan din ayon sa DTI na tumaas ang presyo ng mga panghanda sa Noche Buena lalo pa’t hindi naman maituturing ang mga ito na essential items.

Sa mga susunod na linggo ay maglalabas ang kagawaran ng retail price guide para rito.

“We limit sana the price increases [in Noche Buena items]. Kung magi-increase sila ng presyo sana not more than 10%,” ani Castelo.

Dahil dito, nag-abiso sa publiko ang Philippine Amalgamated Supermarkets Association Incorporated (PASAI) na bilhin ang mga abot-kayang produkto sa paparating na holiday season.

“Pwede namang staggered din. Pwedeng 2% ngayon, another 6% next time. Buy something which is affordable,” dagdag ni PASAI President Steven Cua. RNT/JGC