PRESYO NG PASAHE SA TNVS (1)

PRESYO NG PASAHE SA TNVS (1)

December 5, 2022 @ 11:13 AM 2 months ago


MADALAS na reklamo ng mga pasahero ng transportation network vehicle service ay ang mataas na singil ng pasahe sa kanilang pagsakay. At dahil virtual monopoly ng Grab ang TNVS market, ito ang pinatatamaan ng reklamo. Paano ba ang kwentahan ng pasahe?

Ayon sa bagong taripa na inilabas ng LTFRB ito ang dapat na singil: Sa flagdown, ang TNVS sedan ay hanggang P40; ang TNVS premium hanggang P50 at ang TNVS hatchback ay hanggang P30 habang ang pasahe sa bawat kilometro ay TNVS sedan P15; TNVS premium P18 at TNVS hatchback P13, samantalang ang pasahe sa bawat minuto ng biyahe ay P2 at ang Surge sa bawat kilometro at minuto ng biyahe ay dalawang beses sa lahat ng klase ng TNVS.

Halimbawa ay nag-book ang pasahero ng TNVS sedan at and layo ng destinasyon ay 10 kilometro at ang oras ng biyahe dahil sa traffic ay 60 minuto. Dito, ating kukuwentahin gamit ang taripa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Ang Flagdown ay P40, ang layo sa bawat kilometro ay P150 (10 km x P15) biyahe bawat kilometro ay P120 (60mins x P2) kaya’t ang kabuuan kapag walang surge ay P310 subalit kung idadagdag ang surge na 2 beses sa bawat kilometro kasama pa ang bawat minute lalabas na P120 plus P150 = P270 x 2 =P540.

Pero dahil nasa kompyutasyon na yung unang P270, idadagdag na lang ito sa kwenta ng pasahe na walang surge na P310. Lumalabas na P310 plus P270 kaya ang kabuuang pasahe para sa 10 kilometrong biyahe sa isang oras ay P580.

Ngayon dahil pre-booked at pumayag ang pasahero yan ang pasahe niya.

Kailan dapat magdagdag ng surge?

Ang sabi ng mga transport network companies, ang surge ay idinadagdag kapag maraming pasahero at kakaunti ang supply ng sasakyan.

Marami pang ibang dahilan at paliwanag pero ano man dahilan ang tanong ay – sa buong araw ba ay dapat idagdag ang surge?
oOo oOo oOo

Atty. Ariel Inton
President, Lawyers for Commuters Safety and Protection 09178174748
(May Karugtong)