Presyo ng petrolyo sirit na; PISTON posibleng mag-tigil pasada!

Presyo ng petrolyo sirit na; PISTON posibleng mag-tigil pasada!

June 8, 2022 @ 3:34 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Mapipilitang mag-tigil pasada ang isang transport group sa harap ng sunod-sunod na taas-presyo sa mga produktong petrolyo.

Sa interbyu sa DZXL558, sinabi ni PISTON national president Ka Mody Floranda na hindi malayong mauwi sila sa tigil-pasada kung hindi mapagbibigyan ng administrasyong Duterte ang hiling nilang suspendihin pansamantala ang excise tax sa langis.

“Hindi maiwasan talaga na humantong po tayo sa tigil-pasada bagama’t sabi nga natin e masusi nating pinag-aaralan, dahil nga sa kalagayan natin sa kasalukuyan, talagang panahon pa ng pandemic. Pero kung talagang wala na tayong atrasan na pakinggan tayo ng gobyerno e hindi po malalayo yung isa na sinasabi nga na tigil-pasada,” ani Floranda.

Maliban dito, muli ring umapela ang grupo sa Land Transpotation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na aksyunan ang hirit nilang pisong provisional increase sa minimum na pamasahe sa jeep.

Hinamon din niya ang papasok na administrasyong Marcos na kaagad rebisahin ang mga probisyon hinggil sa batas sa buwis sa produktong petrolyo.

Sakali namang hindi ipursige ng bagong administrasyon ang pagsuspinde sa fuel excise tax ay umaasa silang maisasakatuparan nito ang mga ipinapanukala nilang solusyon para matugunan ang epekto ng walang prenong oil price increase.

Sa kabilang banda, sinabi ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) na hindi na nila kailangan pang magkasa ng tigil-pasada dahil kusa nang humihinto sa pagbiyahe ang mga pampasaherong jeep na lugi na sa pamamasada dahil sa napakamahal na presyo ng langis.

Gaya ng PISTON, umapela rin ang FEJODAP sa LTFRB na ibalik sa P10 ang minimum na pasahe sa jeep. RNT/ JCM