Presyo ng plastic bag, gustong pataasan ng isang solon

Presyo ng plastic bag, gustong pataasan ng isang solon

July 4, 2018 @ 1:30 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Upang tuluyan nang makaiwas sa paggamit ng plastic bags, isinusulong ng isang mambabatas na sa halip na P2 ay gawin ng P20 ang presyo ng plastic bags.

Katwiran ni Aangat Tayo Partylist Rep Harlin Neil Abayon na kung magmamahal ang presyo ng plastic at gawing P20 bawat isa ay mapipilitan ang publiko na huwag na gumamit nito, na malaking tulong para mapangalagaan ang kalikasan.

Umaasa si Abayon na susuportahan ng kanyang kapwa mambabatas ang inihain niyang House Bill 7902, aniya, nangangailangan na ng drastic move para maiwasan ang paggamit ng plastic bags.

“Bawal na ang paggamit ng plastic sa ilang mga pamilihan pero dahil affordable ito ay hindi 100% naipapatupad pero kung gawing P20 bawat isa mag-iisip na ang mamimili kung gagamit ng plastic bag o magdala na lang ng sariling eco bag” pahayag ni Abayon.

Sa panukala ni Abayon ang makokoleta sa plastic bags deterrence fee ay ididiretso sa isang special purpose fund sa National Treasury na gagamitin para pondohan ang Plastic Waste Management Programs ng DENR.

Maliban sa pagtaas ng presyo ng plastic, kasama din sa panukala ni Abayon ang pagbabawal sa pagpapakawala ng lobo sa himpapawid gayundin ang pagbebenta at distribusyon ng single-use plastic sa mga business establishments.

Sa oras na maging batas ang panukala ay papatawan mg multang P10,000 hanggang P500,000 sa mga lalabag.

Kung nagpabaya ang mga local officials sa waste management sa kanilang lugar lalo sa paghahakot ng basura sa mga ilog at estero ay papatawan ang mga ito ng 3 buwang suspensyon. (Gail Mendoza)