Presyo ng produktong petrolyo posibleng sumampa sa P100/litro – DOE

Presyo ng produktong petrolyo posibleng sumampa sa P100/litro – DOE

June 20, 2022 @ 5:36 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Maaaring tumama at umabot sa P100 kada litro ang pump prices ng petroleum products kapag nagpatuloy ang pagsirit ng presyo nito bunsod ng sama-sama at iba  ibang kadahilanan.

Ayon kay Energy Undersecretary Gerardo Erquiza Jr., ang pagtaas sa P100 kada litro  ay  posible, subalit  “this is unlikely to happen in a single weekly increase.”

“Kung based sa isang dramatic extreme reason, bigla na lang aangat at tataas, hindi naman po (aabot ng P100),” ayon kay Erquiza sa  Laging Handa virtual briefing.

“Pero ang nangyayari dito, nagpapatong patong patong, may posibilidad ‘yan kung tuloy tuloy na bawat araw, bawat linggo ay tumataas. Pero ‘yung biglaan ho ang pag-angat at pagtaas ng P100, ‘yun ho ay hindi naman mangyayari most likely,” dagdag na pahayag nito.

Sa kabilang dako, inanunsyo ng mga kompanya ng langis na  ang price increase na magiging epektibo, araw ng Martes  ay ang presyo ng gasolina, P0.80; diesel , P3.10, at kerosene, P1.70 —  ito ang pangatlong linggo ng pagtaas ng presyo ng langis.

Ang pinakabagong data na available  mula sa Department of Energy ay nagpapakita na  ang  “year-to-date adjustments stand at a net increase of P28.70 per liter for gasoline, P41.15 per liter for diesel, and kerosene by P4.85 per liter as of June 14, 2022.”

Makikita rin sa data mula sa ahensiya na ang gasoline prices sa Kalakhang Maynila ay umabot na sa  “P91.90, diesel to as high as P94.90 per liter, and kerosene as high as P97.34 as of June 14, 2022.”

Sinabi ni Erquiza na ang pagsirit ng presyo ay bunsod ng  “appreciation” ng US dollar, kasama ng pagpapanatili sa produksyon ng diesel kahit pa may mataas na demand.

“Kahit na sabihin nating dumadami ‘yung supply ng krudo pero ‘yung manufacturing level ng diesel halos pareho lang ho,” paliwanag nito.

Muli namang nanawagan si Erquiza para sa pag-amiyenda sa Oil Deregulation Law, na makailang ulit na ipinanawagan ng  DOE kasama ng Malakanyang.

Ang anuman aniyang pag-amiyenda sa batas ay magiging mahirap na maipasa  bago pa matapos ang termino ni Pangulong  Rodrigo Roa  Duterte  sa pagtatapos ng buwan.

Sa panig naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sinabi nito na nakatakda na silang mag-roll out ng second tranche ng P5-billion fuel subsidy program para sa mga  drivers ng public utility vehicles  bago matapos ang buwan o sa unang bahagi ng buwan ng Hulyo. Kris Jose