Presyo ng sibuyas sumampa na sa P400/kg sa ilang pamilihan

Presyo ng sibuyas sumampa na sa P400/kg sa ilang pamilihan

August 10, 2022 @ 10:56 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Umakyat na ang presyo ng sibuyas sa P400kada kilo sa ilang pamilihan sa gitna ng kakulangan sa suplay ng white onions, ayon sa ulat nitong Miyerkules.

Subalit, sinabi ng Department of Agriculture (DA) na gumagawa na ito ng mga hakbang upang tugunan ito.

Sa Cloverleaf Market sa Balintawak, Quezon City, walang nabibiling white onions sa loob ng dalawang linggo.

Kinumpirma naman ng DA ang kakulangan sa suplay ng nasabing gulay sa pamilihan.

“‘Yung sa white onions, wala na talagang supply. Tiningnan natin ‘yung inventory at wala na tayong supply ng white onion. Kaya kahit sa mga palengke, kahit dito mismo sa bagsakan e walang white onion, siyempre po walang makakarating lalo na sa palengke,” ani DA Undersecretary Kristine Evangelista nitong Miyerkules.

Wala rin umano nito sa mga supermarket, restaurant, at institutional buyers, batay sa pakikipag-usap nila sa mga mamimili.

“Initially kasi kailangan natin ng availability tsaka siyempre dapat mababa ang presyo kaya ang tinitingnan natin ang pag-angkat,” sabi ni Evangelista.

“Pero kung gaano karami ang ating aangkatin at hanggang kailan tayo mag-aangkat, ‘yan ang pag-uusapan with the producers para hindi sumabay ‘yung pagpasok ng ating imported na onions doon sa harvest season ng ating mga magsasaka,” dagdag niya.

Bukod umano sa mataas na presyo ng langis at fertilizer, mahal na rin umano ang buto ng white onions.

“Bukod po doon [sa mataas na presyo ng gasolina at fertilizer], ‘yung binhi ng white onion mas mahal compared sa red onion. So ‘yan din po ang tinitingnan natin on the production side kung paano natin sila [farmers] tutulungan,” ayon kay Evangelista.

“Meron na tayong mga tulong na binigay sa ating mga rice farmers ‘di ba. So titingnan naman natin kung paano natin matutulungan ‘yung mga high-value crops [farmers] po pagdating sa assistance tsaka subsidiya sa kanilang produksiyon,” patuloy niya.

Inilahad naman ng DA official na nakatakda silang makipag-usap sa onion growers onngayong araw upang matukoy kung paano sila matutulungan ng pamahalaan  na makapagtanim ng ams maraming white onions.

Inihayag ni Evangelista na minomonitor ng DA ang suplay at presyo ng red onion.

“Binabantayan namin ngayon itong red onions…Kailangan nating makita ang inventory status pati ng cold storage facilities at makikipag-usap nga po kami sa mga magsasaka para sa cost structure,” aniya.

“Kasi kahit ipasok natin ang gastos sa cold storage facility, dapat makita natin kung magkano dapat binabagsak dito sa Balintawak at sa mga iba pang bagsakan ang ating mga red onion,” dagdag ni Evangelista. RNT/SA