Presyo ng unclaimed impounded motor vehicle planong babaan pa ng LTO

Presyo ng unclaimed impounded motor vehicle planong babaan pa ng LTO

October 19, 2022 @ 10:54 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pinag-aaralan na ng Land Transportation Office (LTO) ang posibilidad ng pagpapababa pa ng administrative fee at ibang bayarin sa mga ibinebentang unclaimed impounded motor vehicle (UMIV) sa mga auction.

Sa pahayag ng ahensya nitong Martes, Oktubre 18 ang hakbang na ito ay makaraan magreklamo ang ilang mga dumalo sa auction na ang presyo ng mga UIMV at ka-presyo na ng mga brand new.

Dahil dito, sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III na sinusuri na nila ang Department Order No. 93-693 series of 1992 o ang “Revised Schedule of Administrative Fees and Charges of the Land Transportation Office” partikular na sa impounding fees at iba pang charge.

Sa ilalim ng probisyon, sinabi ni Guadiz na ang impounding fee ay nasa P100 samantala ang storage fee ay P15 kada araw.

“We will study the possibility of coming up with a fair assessment of a vehicle and its overall condition and in consideration of other factors such as storage. By doing so, we hope to come up with a fair and reasonable market value that will serve as the floor price of an auctioned vehicle to make it more appealing to bidders,” aniya.

Hihingi rin sila ng rekomendasyon mula sa mga technical experts tulad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para malaman ang kondisyon at kalidad ng motor o sasakyan bago ito i-auction.

Dagdag pa rito, ang mga hindi maibebentang sasakyan sa auction ay maaari din na i-donate na lamang sa TESDA at ibang mga state universities at colleges upang mapakinabangan.

“Maaari kasing makumpuni at maibalik sa maayos na kondisyon ang mga sasakyan o magamit ang spare parts nito bilang bahagi ng training para sa Automotive at Land Transport courses,” ani Guadiz. RNT/JGC