Pribadong sektor ‘di na bibili ng bakuna vs COVID – Concepcion

Pribadong sektor ‘di na bibili ng bakuna vs COVID – Concepcion

November 25, 2022 @ 6:51 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Hindi na interesado pang bumili ng bivalent COVID-19 vaccine ang mga nasa pribadong sektor ayon kay Go Negosyo founder at dating Palace adviser na si Joey Concepcion nitong Biyernes, Nobyembre 25.

Ito ay makaraang ma-expired lang ang mga nauna nang nabiling bakuna.

“Hindi na rin kami sasali sa pagbibili ng mga bakuna kasi medyo kumplikado itong kalagayan namin eh kasi tumulong kami noong una at maraming na-expire,” sinabi ni Concepcion kasabay ng public briefing.

“So maganda siguro iyong government na lang ang pumasok itong mga bagong bivalent,” dagdag niya.

Sa impormasyon, ang bivalent vaccines ay ang mga bakuna na napatunayang epektibo laban sa Omicron variant ng COVID-19.

Ang naunang pahayag ni Concepcion ay kasunod ng balita na umabot sa 31 milyon COVID-19 vaccine doses ang nasayang makaraan itong ma-expire.

Kung susumahin, aabot sa P15.6 bilyon ang halaga ng mga ito. RNT/JGC