Pribadong sektor ‘di pwedeng utusan na tumanggap ng K-12 grads – Concepcion

Pribadong sektor ‘di pwedeng utusan na tumanggap ng K-12 grads – Concepcion

October 28, 2022 @ 3:28 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nilinaw ni dating Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion nitong Biyernes, Oktubre 28 na hindi maaaring bigyan ng mandato ng pamahalaan ang pribadong sektor na tanggapin sa trabaho ang K-12 graduates.

Ito ay dahil ang desisyon sa hiring ng mga empleyado ay nakalaan sa mga employers.

Ayon kay Concepcion sa public briefing ng PTV, sinabi niya na walang dahilan para hindi matanggap sa trabaho ang isang estudyante kahit na ito ay graduate pa ng K-12 kung ito ay kwalipikado naman sa naturang posisyon.

Sa kabila nito, hindi maaaring utusan ng pamahalaan ang pribadong sektor na tumanggap ng K-12 graduate kung hindi naman talaga ito kwalipikado.

“If they qualify for the job, I’m sure the private sector will hire them,” ani Concepcion.

Matatandaan na nanawagan si Education Secretary at Vice President Sara Duterte sa business community na bigyang prayoridad ang K-12 graduates na mabigyan ng trabaho, ito ay dahil sa mas binibigyang prayoridad umano ng ilang kompanya na kunin ang mga nakapagtapos sa kolehiyo.

“The final decision rests with the private sector. We have to respect that because they’re the ones who are hiring,” tugon ni Concepcion dito.

Matatandaan na sinabi ni Philippine Chamber of Commerce and Industry president George Barcelon na dapat repasuhin ang K-12 system upang makasabay sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.

“In the same breath, our teachers must be re-trained to keep pace with technological developments. Children now need connectivity to the internet; they need computers and modern educational tools so that they can participate fully in this digital world we now live in,” pahayag ni Barcelon.

“It gives us comfort that no less than you, Vice President Sara, have taken the education portfolio. This gives us the assurance that reforms in the education sector will be implemented with urgency,” dagdag pa niya. RNT/JGC