Pribadong sektor hinikayat ni Loyzaga, mamuhunan sa climate action

Pribadong sektor hinikayat ni Loyzaga, mamuhunan sa climate action

December 4, 2022 @ 11:56 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Upang labanan ang epekto ng climate change, hinikayat ni Environment Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga ang pribadong sektor na gumawa ng malaking papel sa paglaban sa climate change sa kabila ng paglaki ng epekto nito at pagdami ng mga pinansyal na pangangailangan para sa climate change adaptation at mitigation.

Ayon kay Loyzaga sa pagsasalita nito sa Climate Investment Forum (CIF) 2022 na ginanap sa Quezon City noong Nobyembre 21, kinakailangang masolusyunan ng private sector ang climate finance sa pamamagitan ng pamumuhunan sa mga sustainable projects na makatutulong sa carbon footprint ng bansa.

Sa press statement sinabi ni Loyzaga na ang gobyerno ay naglaan na ng kabuuang P453.11 bilyon para sa implementasyon ng climate change programs at projects sa susunod na taon.

Ang halagang ito ay kumakatawan sa 8.6 percent sa P5.268-trillion National Expenditure Program (NEP) para sa 2023.

“However, more investments are still needed if we are to make transformative strides to achieve climate-resilient development,” paliwanag ni Loyzaga.

Kaugnay nito binigyang-diin din niya na ang public at private sector ay kapwa mayroong kritikal na oportunidad na mamuhunan na hindi lamang para sa kaunlaran ng bansa kundi maging sa buong mundo na rin.

Sa kabuuang P453.11 bilyon mula sa public sector climate funding sa 2023, umaabot sa 75 percent o P338.21 bilyon ang nakalaan para sa climate adaptation kabilang na dito ang mga programa para sa pagpapaunlad sa “resilient crops” at “livestock production system” at teknolohiya.

Ang nalalabing 25 percent o P114.9 bilyon ay gagamitin naman sa climate mitigation na kinabibilangan ng promosyon sa renewable energy at pagpapaunlad sa traffic infrastructure-mobility upang mabawasan ang greenhouse gas (GHG) emissions.

Ang 2023 NEP ang may pinakamataas na alokasyon para sa climate expenditures kung saan ay tumaas ito ng halos 56 percent mula sa kasalukuyang climate budget ngayong taon na P289.73 bilyon.

Ang CIF 2022 na may temang “Turning Climate Commitments to Action” ay nagtipon ng senior government officials, climate international experts at mga miyembro ng business community upang pag-usapan kung mahihikayat ng climate-friendly enterprises at ang private sector upang mamuhunan sa priority climate enterprises na makatutulong sa pandaigdigang pagsisikap na mabawasan ang GHG emissions. Santi Celario