PRIBATISASYON NG NAIA AT PALPAK NA OPERATION

PRIBATISASYON NG NAIA AT PALPAK NA OPERATION

January 4, 2023 @ 11:38 AM 4 weeks ago


MAYROON bang malalim na koneksyon ang pagpalpak ng operasyon ng Ninoy Aquino International Airport at Manila International Aviation Authority sa umuugong na balitang isasapribado na ang paliparan?

Habang tinitipa natin ito, mga Bro, sinasabing marami pa ring apektado na mga pasahero nang bumagsak ang operashon ng NAIA nitong Enero 1, 2023 na bagong-bago pa namang Taon.

Daan-daang flight o mahigit 300 ang nakansela nang magsimulang magsara ang NAIA dakong 9:49 sa umaga at maisaayos ito dakong 7:45 p.m.

Hindi naging sapat hanggang kahapon ang tuloy-tuloy na operasyon ng NAIA gabi at araw para maayos lahat ng nakansela o nabalam na biyahe.

Kinalimutan na nga ang ilang oras na inspeksyon na isinasagawa halos araw-araw sa buong sistema ng operasyon sa paliparan para matiyak na maayos ang lahat.

Mabuti na lang at walang nadidisgrasya sa mga eroplanong domestic o lokal o internasyunal na apektado sa hindi paglapag sa NAIA at pagbabalik nila sa kanilang mga pinanggalingang paliparan.

ANG PRIBATISASYON

Marami na ang pribadong kompanya na nagkagustong hawakan ang buong operasyon ng NAIA.

Naudlot lang ang consortium na naglalakad ng pribatisasyon nito nang dumating ang pandemya.

Ito kasi ang pinakamalaking paliparan sa buong bansa at sentro ng biyahe sa buong Pinas.

Dahil milyones ang gumagamit nito, napakalaki ring sentro ng negosyo at pagkakitaan.

Mula sa nagseserbisyong taxi, bus, restoran at iba pa hanggang sa mga tindahan ng halos lahat ng bilihin, nandiyan lang.

Malapit din ito sa mga estabilisimyento na hotel, restoran din, casino at iba pa nagseserbisyo sa mga pasahero, palabas at papasok sa banda.

Konektado o nagseserbisyo rin ang NAIA sa buong Metro Manila na sentro ng kalakalan ng buong bansa.

Kapag natapos ang underground na riles mula sa Quezon City at konektado mismo sa NAIA, lalong makikita ang halaga ng paliparang ito at ang salaping mapupundar dito.

Ito ang mga dahilan ng pribatisasyon ng NAIA at masasabing madali na lang gawin ang pagpapamoderno nito upang makapantay ito sa mga world class na paliparan ng Singapore, Thailand at iba pa.

PWEDENG ISARA?

Sa kabila ng lahat ng nabanggit nating umiikot na pagkakaperahan kaya marami ang nagkakainteres sa pribatisasyon ng NAIA, may posibilidad din na isara ito at ikumbert sa ibang estabilisimyento.l

Ito’y dahil maaaring mabawasan ang pagkakitaan dito kapag nagawa na ang $11 bilyong pag-aayos sa Sangley Airport sa Cavite at ang P750 bilyong paliparan sa Bulacan na ginagawa na.

Sa kabilang banda, umaasa naman ang iba na kikita pa rin ang NAIA kahit magiging katabi nito ang Sangley Ariport at ang Bulacan International Airport.

Pero kapag naisapribado na ang NAIA, ano naman kaya ang epekto nito sa mga mamamayang gumagamit ng eroplano sa kanilang pagbiyahe?

Halimbawa ang milyon-milyong overseas Filipino worker, sakaling magmahal lahat ng bayarin sa serbisyo at produkto NAIA, magiging ayos lang ba sa kanila?