Price cap sa airfares ikasa-solon

Price cap sa airfares ikasa-solon

September 5, 2022 @ 11:10 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sa harap ng biglaang pagtaas ng airfares o pasahe sa eroplano, inihihirit ni Ilocos Sur Rep. Ronald Singson na magtakda ng limitasyon o pansamantalang “price cap” para sa local o domestic destinations.

Sa inihaing House Resolution 307, ipinaliwanag ni Singson na ang price cap ay bilang proteksyon sa mga pasahero, kasabay nito ay umapela din ang mambabatas na magkaroon ng investigation in aid of legislation kaugnay ng nakakaalarmang pagtaas sa presyo ng airfares ng mga airline companies.

Ani Singson kung pagbabatayan ang local air travel bookings ay tumaas ang presyo ng local destinations matapos na lumuwag na ang COVID-19 restrictions at nagbukas ng borders.

Ngunit marami ang nagrereklamo na sinasamantala ito ng mga airline companies dahil biglaang taas naman ang pasahe.

“Alam naman ng lahat na mataas na presyo ng produktong petrolyo dahil sa tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine gayundin ang pandemic pero kuwestiyonable yung masyadong mataas na dagdag sa pasahe lalo na Boracay, Cebu, Bohol, Siargao at Palawan kung ikukumpara sa ibang probinsya,” paliwanag ni Singson.

Giit nito na maaari namang bumagsak ang air travel demand kung mananatiling mataas ang airfares na makakaapekto sa aviation sector at sa turismo.

“Kailangang masilip ng Kongreso kung bakit pinayagan ng Civil Aeronautics Board (CAB) na maningil ng labis ang mga airline company,” dagdag pa ng solon.

Umaasa si Singson na makapaglalatag din ang Kamara ng panukala upang maprotektahan ang publiko habang binabalanse ang interes ng mga pasahero at airline companies. Gail Mendoza