Price freeze sa ‘state of calamity’ areas, sinusunod pa – DTI

Price freeze sa ‘state of calamity’ areas, sinusunod pa – DTI

November 4, 2022 @ 1:56 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Wala pang naitatalang paglabag sa ipinatutupad na price freeze ang pamahalaan sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity dulot ng bagyong Paeng.

Ito ang sinabi ng Department of Trade and Industry (DTI) nitong Biyernes, Nobyembre 4 kung saan ay sinusunod naman umano ng mga nagtitinda ang ipinatutupad na panuntunan.

“Doon sa areas under a state of calamity, ay ‘yung mga retailers naman po natin ay compliant with the price freeze,” sinabi ni Trade Assistant Secretary Ann Claire Cabochan sa panayam ng GMA.

Aniya, sa ilalim ng Price Act, ang mga presyo ng basic commodities sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity ay hindi maaaring galawin o taasan sa loob ng 60 araw.

Ang mahuhuling lalabag dito ay maaaring makulong ng isa hanggang 10 taon at multa mula P5,000 hanggang P1,000,000 depende sa diskresyon ng korte.

Matatandaan na nitong Miyerkules, Nobyembre 2 ay pinirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Proclamation 84 na nagdedeklara ng state of calamity sa Calabarzon, Bicol, Western Visayas, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil sa matinding epekto ng bagyong Paeng. RNT/JGC