Priority bill ng DOH isusulong

Priority bill ng DOH isusulong

September 28, 2022 @ 7:14 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Health o DOH na itinutulak nito ang mga priority bill na makakatulong sa bansa sa mas mahusay na pagtugon sa mga emerhensiya sa kalusugan ng publiko.

Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, ito ay ang Pandemic Protection Act of 2021; Pandemic and All Hazards Preparedness Act; Philippine Health Security Act; at pang-amyenda sa Government Procurement Reform Act and Cheaper Medicines Act.

Ayon kay Vergeire, ang Pandemic Protection Act of 2021 ay naglalayon na gawin itong isang patakaran na sa tuwing mayroong isang pandemya o estado ng emerhensiyang pangkalusugan ng publiko, ang mga negosyo na gumagawa o nag-iimport ng mga klinikal na produkto o nagbibigay ng mga kritikal na serbisyo ay binibigyan ng mga insentibo gayundin ang pansamantalang suspindihin ang export requirements na humahadlang sa mga negosyo sa pag-aalok ng mga serbisyo sa loob ng bansa.

Samantala, ang Pandemic and All Hazards Preparedness Act ay magpapalaki sa kahandaan at kapasidad ng bansa sa mga pasilidad sa pangangalagang pangkalusugan at mag-o-optimize ng isang flexible na diskarte sa pagtigil ng mga medical surges at mga public health emergencies.

Ang Philippine Health Security and Emergency Act ay titignan ang pagtatatag ng isang medical reserve corps na binubuo ng mga medical expert, scientists, licensed medical practitioners at volunteers na sinanay para sa mga health emergency.

Ipinaliwanag ni Vergeire na ang mga pag-amyenda sa Government Procurement Reform Act ay mag-uutos sa mga procurement entity na bumili ng mga lokal na gawa o manufactured goods na tumutugon sa tinukoy na kalidad para sa mga piling programa ng gobyerno na tutukuyin ng Department of Trade and Industry at mga kaugnay na ahensya ng gobyerno kung saan ang procuring entity ay dapat gumawa ng award sa lowest domestic manufacturer bidder.

Sinabi ni House health committee chairpetson Curiaco Gati na tatlong pangunahing panukala ang nakalimya sa legislative agenda ng Pangulo, ang pagtatatag ng isang virology institute, ang medical reserve corps at ang center for disease control.

Ang pang-amyenda sa Government Procurement Reform Act, sinabi ni Ciriaco na ito rin ay kinokonsiderang prayoridad.

Bukod sa mga priority bill, sinusuportahan din ng DOH ang pagtatatag ng pharmaceutical economic zones. Jocelyn Tabangcura-Domenden