Priority bills ni PBBM, 23 na—PLLO chief

Priority bills ni PBBM, 23 na—PLLO chief

October 5, 2022 @ 10:09 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa 23 ang priority bills ng administrasyong Marcos.

Matatandaang unang inilatag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang listahan ng kanyang mga priority bills sa kanyang State of the Nation Address.

“As of today your honor, we have 23 (priority) measures,” ayon kay Presidential Legislative Liaison Office Secretary Mark Llandro “Dong” Mendoza sa Senate hearing bilang tugon sa tanong ukol sa mga priority measures ng Chief Executive.

Ang mga bagong batas na nadagdag sa priority list ay ang “2023 General Appropriations Act, the bill strengthening the regulatory functions of Maritime Industry Authority (MARINA), the bill for the condonation of unpaid amortization, interest of loans of agrarian reform beneficiaries, and the Medium-Term Fiscal Framework (MTFF).”

Bagama”t ang MTFF ay hindi bill o batas na nangangailangan ng pagsasabatas, ang dalawang Kapulungan ng Kongreso ay in-adopt ang magkahiwalay na resolusyon na nagpapahayag ng pagsuporta para sa six-year fiscal plan ng administrasyong Marcos.

Sa kanyang kauna-unahang SONA, hiniling ni Pangulong Marcos sa Kongreso na kagyat na ipasa ang 19 bills sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Kabilang na rito ay ang National Government Rightsizing Program (NGRP), Budget Modernization Bill, Valuation Reform Bill, Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act (PIFITA), E-Governance Act, Internet Transaction Act or E-Commerce Law, Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery (GUIDE), Medical Reserve Corps at National Disease Prevention Management Authority.

Kasama rin ang Creation of the Virology Institute of the Philippines, Department of Water Resources, Unified System of Separation, Retirement and Pension, E-Governance Act, National Land Use Act, National Defense Act, Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) and National Service Training Program (NSTP), Enabling Law for the Natural Gas Industry, Amendments to the Electric Power Industry Reform Act or EPIRA (Republic Act No. 9136) at Amendments to the Build-Operate-Transfer (BOT) Law.

Tinanong naman ni Senador JV Ejercito ang plano ng PLLO para mapigilan ang posibleng pag-veto sa batas na ipinasa ng Kongreso.

Bilang tugon, sinabi ni Mendoza na nagsasagawa sila ng inter-agency consultative meetings para i- “fine tune” ang batas na inisa-isa ni Pangulong Marcos sa kanyang SONA.

“I think we already had around five consultative meetings with different agencies with regard to the SONA measures…So far sir, nafa-fine tune na po natin…para pagdating po dito sa both chambers–sa Senate and sa Lower House, fine-tuned na po siya…Naalis na po namin yung mga contentious issues with the departments,” wika ni Mendoza.

Samantala, inaprubahan naman ng Senate panel ang panukalang budget ng PLLO para sa taong 2023.

Maliban sa PLLO, inaprubahan din ng Senate finance subcommittee ang panukalang P193 million budget ng Philippine Racing Commission at panukalang P191.26 million budget ng Authority of the Freeport Area sa Bataan para sa taong 2023. Kris Jose