Private funding sa dating China-backed infra projects sinisilip ng DOTr

Private funding sa dating China-backed infra projects sinisilip ng DOTr

August 4, 2022 @ 2:43 PM 4 days ago


MANILA, Philippines – Ikinokonsidera ng Department of Transportation (DOTr) ang posibilidad na partnerships sa private sector para pondohan ang tatlong railway projects na dapat sana ay susuportahan ng China subalit ang loan agreements ay nananatiling “hinihimay” sa ngayon.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni DOTr Undersecretary for Planning Timothy John Batan, hiniling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makipag-nenegotiate siya sa China at tingnan ang posibilidad na makipag-partner sa private sector para sa mga proyektong ito.

“Sabay nating pinag-aaralan iyang interes ng China at interes ng ating pribadong sektor para dito sa mga proyektong hindi napondohan ng China nitong nakaraang administrasyon,”ayon kay Batan.

Ang tatlong railway projects ay ang Philippine National Railways (PNR) South Long Haul Project na kokonekta sa Metro Manila, Batangas, Bicol, at Matnog sa Sorsogon; Subic-Clark Railway project; at ang Mindanao Railway Project Phase 1 na magko-konekta sa Tagum, Davao, at Digos sa pamamagitan ng 100 kilometers ng railways.

Sa kabilang dako, sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno, sa kamakailan lamang na Cabinet meeting, ay nagsimula na ang dayalogo kasama ang kanyang counterpart sa China upang malaman kung interesado pa itong i-extend ang official development assistance (ODA) loans at kung ano ang mga proyekto sa rail sector ang interesado pa rin ang mga ito. Kris Jose