Pro-Duterte supporters, ibinida ang tagumpay ng Pangulo sa laban kontra iligal na Droga

Pro-Duterte supporters, ibinida ang tagumpay ng Pangulo sa laban kontra iligal na Droga

July 23, 2018 @ 3:05 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines –  Nakasuot ng kulay blue, green at white ang mga supporters ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan nagtipon-tipon sila sa IBP Road sa Quezon City ngayong Lunes (July 23) para ikatlong State of the Nation Address (SONA).

Nasa 1,400 na supporters ang nakilahok sa pro-Duterte rally ilang metro lamang ang layo mula sa Batasang Pambansa Complex kung saan mag-uulat ang Pangulo mamayang alas-4 ng hapon.

Karamihan sa mga supporters ay mga senior citizens mula sa kalapit na lungsod ng Metro Manila.

Isa sa mga sinabi ng mga demonstrador na pinakamatagumpay na nagawa ng Pangulo ay ang kontrobersiyal na kampaniya nito kontra iligal na droga.

Ayon kay Evangeline Leal, 64-anyos, miyembro ng Mayor Rodrigo R. Duterte National Executive Coordinating Committee, “Nawala na ‘yung mga droga sa amin; mayroon man ngayon paisa-isa syempre hindi naman malilinis kaagad ‘yan.”

Si Leal ay galing pa sa bayan ng Maria Aurora sa probinsiya ng Aurora upang makiisa sa pagsuporta kay Pangulong Duterte.

Nang tanungin tungkol sa iron-fisted method ni Duterte sa kampanya kontra iligal na droga, sinabi niya, “Okay lang ‘yon, may mga kasalanan kaya dapat lang patayin.”

Umaasa rin si Leal na isasama ni Duterte sa kaniyang SONA ang plano nitong lutasan ang tumataas na bilihin at mga programa para sa mga senior citizens na gaya niya.

Samantala, hindi naman daw sapilitan ang pagsuporta nila sa Pangulo at sinabi pang desisyon nila ito upang maiparating sa pangulo ang kanilang walang humpay na suporta. (Remate News Team)