Probisyon sa draft ng Bangsamoro Election Code, pinuna ng ilang gobernador

Probisyon sa draft ng Bangsamoro Election Code, pinuna ng ilang gobernador

December 11, 2022 @ 2:46 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Kinwestyon ng limang gobernador sa Bangsamoro ang ilan sa mga probisyon sa draft ng election code na binuo ng Bangsamoro Transition Authority (BTA).

Anila, ang kapangyarihan ng Bangsamoro Election Office (BEO) ay sumobra pa sa kapangyarihan na ibinigay sa Commission on Elections (Comelec) ng Konstitusyon.

Ang limang gobernador ay sina Abdusakur M. Tan ng Sulu, Mamintal Alonto Adiong Jr. ng Lanao del Sur, Bai Mariam Sangki-Mangudadatu ng Maguindanao, Ysmael I. Sali ng Tawi-Tawi, at Hadjiman Hataman-Salliman ng Basilan.

Sa position paper na ipinakilala kasabay ng ikalawang public consultation sa BTA Bill 29, hiniling ng mga gobernador na irekonsidera ang ilang probisyon sa proposed code.

Batay sa proposed Bangsamoro Electoral Code of 2022 —hindi lamang administrative power ang ipinagkaloob sa BEO ng Bangsamoro Organic Law kundi maging ang quasi-judicial, judicial, quasi-executive, at quasi-legislative powers.

Kabilang dito ang kapangyarihan na humingi ng supplemental budget mula sa Bangsamoro Parliament.

Ilan pa sa kapangyarihan nito ay ang dissolution ng political parties, kanselasyon sa nominasyon at certificate of candidacy.

Maaari rin itong magdesisyon sa mga petisyon na inihain sa kanila, kabilang ang mga election violations, magparusa sa election offenses at magtanggal sa listahan ng isang registered voters.

Nais ng limang gobernador na alisin ang mga probisyon na ito dahil paglabag umano ito sa Konstitusyon.

“The authority of the BEO must be limited only to the delegated administrative functions by Comelec,” saad ng position paper.

“The BTA and even Comelec cannot validly delegate the Comelec’s exclusive jurisdiction over electoral contests to the BEO or to the so-called Bangsamoro Parliament Electoral Tribunal without violating the Constitution,” dagdag pa.

Ani Manny Muarip, administrator ng Basilan, na nagpakilala ng position paper kasabay sa konsultasyon, ang electoral code ay dapat na nakaayon sa framework ng 1987 Constitution, Bangsamoro Organic Law at national election laws.

“National laws must prevail over regional laws, and uphold the independence and powers of the Comelec,” ani Muarip. RNT/JGC