Probisyon sa socmed, tinanggal sa SIM Card Registration bill

Probisyon sa socmed, tinanggal sa SIM Card Registration bill

September 9, 2022 @ 4:28 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Inihayag ni Senador Grace Poe na tinanggal ng komite sa Senado ang probisyon ng social media sa panukalang SIM Card Registration Bill upang matiyak na mabilis ang pagsasabatas at sakop ng ibang komite ang aspeto nito.

Sa pahayag, sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services na hindi babanggitin ang social upang maiwasan magkaroon ng maraming isyu para maipasa kaagad ang panukala.

“Ang gagawin dito sa version na ipapasa natin sa (public services) committee, hindi na namin babanggitin ang social media para walang issue,” ayon kay Poe sa radio interview nitong Biyernes.

“Kung gagawa ng batas para sa responsible use of social media, ibang komite na ang tatalakay diyan,” dagdag niya.

Nagpahayag ng kumpiyansa si Poe na madaling maipapasa ng Senado ang SIM Card registration bill na nauna nang inaprubahan ng nakaraang Kongreso ngunit vineto ng dating Pangulong Duterte. Bukod dito, suportado ng liderato ng Senado ang panukala kaya ginawa itong prayoridad.

“Ang nakakalungkot diyan, naipasa na natin ‘yan noong 18th Congress at na-veto lang. Sa pakikipag-usap ko sa mga kasamahan ko sa Senado, walang tutol dito dahil nga maraming nabibiktima,” paliwanag ni Poe.

Bukod kay Poe, tinarget din ng scammer ang mga senador ng scam text messages na naglalaman ng kanilang pangalan at nanghihingi ng pera.

“The registration of SIM cards is a deterrent for crimes. We almost passed it into law the last time and we are eliminating the issue of contention which is on social media regulation,” giit ni Poe.

Aniya, dumadamiang nababahala sa mga nakaraang smishing scam message na ipinadadala sa pamamagitan ng prepaid mobile numbers.

Inihayag ng telcos at iba pang stakeholders na masasawata ang scam kung magkakaroon ng whole-of-community approach dahil patuloy na ginagamit ng scammer ang naturang pamamaraan.

Libu-libong SIM cards ang naka-blocked na sa mga telcos, kabilang daang bilang ng website at milyong mensahe pero patuloy na lumalago ang scammer sa pagbili ng panibagong SIM card at lilikha ng panibagong sites.

“Dapat maisabatas na ang SIM card registration para lahat tayo ay protektado,” giit ni Poe .

“The global trend is toward the registration of SIM cards even in countries with the highest regard for data privacy rights such as majority of the countries in the European Union,” aniya pa.

Umabot na sa 155 bansa ang nagtatakda ng mandatoryong SIM card registration.

“This has been a long time coming but I hope the passage of this bill will result in a safer and more secure mobile phone use here in the country,” ani Poe. Ernie Reyes