Problema sa ASF virus matutuldukan na

Problema sa ASF virus matutuldukan na

December 5, 2022 @ 1:21 PM 2 months ago


Manila, Philippines-Matutuldukan na ang matagal nang pakikibaka ng bansa sa African Swine Fever epidemic sa pagtutulungan ng lokal na kompanyang KPP Powers Commodities at AVAC Vietnam Joint Stock Company.

Sa nilagdaang kasunduan, ang KPP Powers ang eksklusibong distributor ng ASF Live Vaccine ng AVAC na tanging produktong pinayagan ng gobyernong Vietnam na mag-export at binigyan ng Certificate of Product Registration.

Simula nang maitala ang unang ASF outbreak sa bansa noong July 2019, bumaba ang swine population ng 50% hanggang 70% dahil sa virus na nagresulta sa tinatayang P100B taunang pagkalugi.

Ayon kay KPP Powers Managing Director Juancho Robles, maraming farm ang napilitang magsara kaya’t libo-libong manggagawa sa hog industry ang nawalan ng trabaho.

Noong Mayo 10, 2021, isinailalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang bansa sa state of calamity dahil sa paglaganap ng ASF na mabilis kumalat sa loob lang ng pito hanggang 15 araw.

Dahil umano sa pagkamatay ng mahigit 3M baboy, napilitan ang mga magbababoy na gumamit ng kaduda-duda at hindi nasuring bakuna.

Tumaas din ang presyo ng buhay na baboy at nahirapan silang kontrolin ang paglaganap ng ASF.

Bunsod nito, umaasa si Robles na tulad sa Vietnam, masusulosyunan din ang problema ng bansa sa ASF sa pamamagitan ng AVAC ASF Live Vaccine.

Sa ngayon, nakapag-apply na ang KPP Powers ng special permit sa Food and Drug Administration at nakatakda nang simulan ang pagdinig. RNT