Problema sa suplay ng tubig sa Marawi ‘di pa nalulutas; Padilla nagalit!

Problema sa suplay ng tubig sa Marawi ‘di pa nalulutas; Padilla nagalit!

September 20, 2022 @ 5:00 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Matinding binatikos ni Senador Robin Padilla ang Local Water Utilities Administration (LWUA) sa kabiguan nitong manapatili ang suplay ng tubig sa maraming lugar sa Marawi limang taon ang nakalipas matapos madurog ang lungsod.

Nadurog ang lungsod ng Marawi kaya libo-libong residenteng Filipino-Muslim ang nawalan ng tirahan.

“Sana maayos lang man po ito kasi napakahalaga po sa pananampalataya po namin. Limang beses naghuhugas para magdasal,” ayon kay Padilla, isang Islam convert, sa ginanap na pagdinig ng Special Committee on Marawi Rehabilitation.

Ayaw tanggapin ni Padilla ang paliwanag ni Rodney Peralta, focal person ng LWU sa Marawi, hinggil sa pagkakaantala na maibalik ang suplay ng tubig sa lungsod.

“Itong (LWUA) na ito, noong 2022 binigyan sila ng napakalaking budget. Pero ngayong 2023 binawasan sila ng 98 percent. Siguro isang pagpatunay ‘yon na di nagtatrabaho ang mga ito,” tugon ni Padilla kay Peralta.

“Hindi katanggap-tanggap sa akin ‘yan limang taon na. Kung ito kahapon lang, pwede ko matanggap pero nakikita ko ang paghihirap ng mga kapatid ko doon,” giit pa niya.

Ipinaliwanag ni Peraldo na nananatiling nakabinbin ang disenyo ng “bulk water supply” project dahil hindi pa pinal ang lokasyon na kung saan itatayo ang treatment plant at reservoir na gagamitin ang Lake Lanao bilang pagkukunan ng tubig.

Hindi rin umano magkasunod ang negosasyon ng Marawi City Water District at Philippine Army sa project site na pangunahing infrastructure.

Ayon kay Peralta, ang Army ang namamahala ng ari-arian sa ngalan ng Armed Forces of the Philippines na kung saan itatayo ang panukalang water treatment plant at reservoir, na napaulat na nagtakda ng kondisyon na hindi tinatanggap ng local water utility.

“Nakabinbin po ngayon ‘yun. Ang consequences po nun, ‘yung aming contractor ng design and build contract, hindi po nila mai-finalize ‘yung design kasi po ‘yung site, ‘yung location ay hindi pa rin napapa-finalize,” aniya.

“Ang sinasabi nyong problema, maso-solve ‘yan ng isang upuan kung gusto nyo po talaga. Ang nangyayari po ay turuan e,” naiiritang pahayag ni Padilla kay Peralta. “Ang tanong lang po dyan, gusto nyo po ba bigyan ng tubig ang mga tao sa Marawi?”

Inihayag nama ni Marawi Mayor Majul Gandamra, na naunang nagtangkang mamagitan sa negosasyon, ay tumestigo din sa pagdinig sa pagsasabing ang kawalan ng LWUA chief ang nagpapaantala sa sitwasyon dahil siya ang lalagdan sa inaprubahang kontrata.

Hindi naman kumbinsido si Special committee chair Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa dahilan kung bakit naantala ang proyekto dahil sa kawalan ng LWUA chief.

“You had your administrator for the last five years. And yet, hindi ito naaksyunan . So hindi ‘yan pwede na magiging rason na walang, aniya.

Nagtakda ng panibagong pagdinig si Dela Rosa hinggil sa Marawi rehab. Ernie Reyes