PROBLEMANG LANGIS  AT PAGKAING PINOY

PROBLEMANG LANGIS  AT PAGKAING PINOY

November 15, 2022 @ 11:45 AM 3 weeks ago


TAMA lang ang panawagan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kay United States President Joseph Biden na gamitin nito ang kapanagyarihan ng US para mapababa ang presyo ng langis sa buong mundo at gagaan ang kalagayan ng maraming bansa, kasama na ang Pilipinas.

Kung iisipin, isa lang ang gobyernong US sa mga nagpapasya sa pagtaas o pagbaba ng presyo ng langis at mga produkto rito gaya ng gasolina, diesel, gaas at iba pa.

Kasama sa mga nagpapasya ang Organization of Petroleum Exporting Countries, kasama ang 9 pang bansa at Russia.

Makapangyarihan din ang mga dambuhalang kompanya ng langis sa pagpapasya at ang mga negosyante o middleman sa bentahan ng langis.

Kahit anong gawin ng mga pamahalaan, halimbawa, kung nagsara ang mga kompanya ng langis ng kanilang mga minahan o nagsara ng refinery, tataas at taas ang presyong langis dahil sa kakapusan ng suplay.

Gayundin na makapangyarihan ang mga middleman dahil sila ang may kontak sa mga kompanya ng langis, naghahanap ng mga suplay at maging ng mga barkong magkakarga at magbibiyahe ng langis kahit saan sa mundo.

Pero sa kabuuan, maimpluwensya ang pamahalang US at kaya nitong diktahan ang ibang mga bansa, kasama ang OPEC, maging ang mga kompanya ng langis at middleman kung gugustuhin nito.

At dito nauunawaan ang panawagan ni Pang. Bongbong.

MAHALAGA SA PILIPINAS

Napakahalaga ang panawagan ni Pang. Bongbong at kung magbubunga iyon, magbubunga ito ng malaking kagaanan sa ating buhay.

Kung susubaybayan ninyo, mga Bro, ang presyo sa itlog at manok, konektado rito ang presyo ng langis.

Ayon sa mga producer ng itlog at manok, mayroon na tayong sobrang suplay ng mga produktong ito at napakamura na ang farm gate price at bultuhang bentahan.

Pero tumaas pa rin ang presyo ng mga ito sa merkado.

Ang dahilan? Ipinapatong ng mga biyahero at negosyante sa itlog at manok ang napakamahal na mga produkto ng langis na gamit nila sa transportasyon at paghahatid sa merkado ng nasabing mga produkto.

 Ganito rin ang nagaganap sa lahat ng iba pang mga pagkain at iba’t ibang pangangailangan ng lahat mula sa mga baby hanggang sa malapit nang tawagin ni Lord.

Mahal lahat dahil mahal na langis.

Ang masama pa, maging ang gobyerno , nababawasan ang lakas nitong maghatid ng serbisyo publiko.

Halimbawa, hindi basta ikot nang ikot ang mga nagpapatrulyang mga barangay tanod at pulis para sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad, bayan, lungsod at lalawigan at madalas nagpa-park lang ang mga ito upang hindi sila maubusan ng mahal na diesel o gasolina.

Mabuti na lang at may makabagong mga komunikasyon na pamalit ng pag-ikot ng mga ito bilang pangontra sa mga gumagalang kriminal.

Suportahan natin si Pang. Bongbong sa kanyang panawagan laban sa mahal na langis.