PROCUREMENT SERVICE NG DBM, KAILANGANG BUWAGIN?

PROCUREMENT SERVICE NG DBM, KAILANGANG BUWAGIN?

September 7, 2022 @ 8:02 PM 4 weeks ago


NAKIKIUSAP ang Department of Budget and Management (DBM) na bigyan sila ng isa pang pagkakataon para linisin ang hanay ng kanilang Procurement Service na ilang ulit nang nasangkot sa malalaking kontrobersiya sa ilalim ng nakaraang administrasyon.

Nais kasi ng mga mambabatas, hindi lamang ng mga kongresista kundi pati na rin ang mga senador na buwagin na ang Procurement Service ng DBM upang hindi na maulit ang mga matitinding kontrobersiyang kanilang kinasangkutan na may kinalaman sa katiwalian.

Kung sabagay, sa panahon pa ng dating administrasyon nangyari ang mga nabunyag na kapalpakan ng PS-DBM, tulad halimbawa nang pagbili nila ng bilyong halaga ng COVID-19 supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corp. na wala pang P1 milyon ang puhunan at ang pagbili rin ng outdated at napakamahal na laptop para sa mga guro.

Siyempre, bukod pa rito ang nabuking na paglalagak nila ng malaking halaga ng salapi sa bangko para umani ng malaking interes na kamakailan lang ay ibinuking din sa report ng Commission on Audit.

Tulad ng dapat asahan, inirekomenda ng dalawang Kapulungan ng Kongreso ang pagsasampa ng ‘syndicated estafa’ sa mga opisyal ng Pharmally, kabilang na rito ang dating Presidential Economic Adviser Michael Yang at dating PS-DBM head Christopher Lloyd Lao na hindi na dumalo sa huling bahagi ng pag-iimbestiga ng Senado.

Sabi kasi ni DBM Secretary Amehah Pangandaman, malaki ang kumpiyansa at paniniwala niya kay Atty. Dennis Santiago na kasalukuyang pinuno ng PS-DBM para makapaglatag ng kaukulang mga programa upang hindi na maulit pa ang mga nangyaring kamalian sa pagbili ng mga gamit ng pamahalaan.

Naniniwala si Pangandaman na maibabalik ni Santiago ang respeto ng mamamayan sa PS-DBM sa oras na mabigyan pa sila ng tsansang maisaayos ang sangay ng departamento at maibalik muli ang tiwala ng mamamayan.

Maganda nga sana kung matutupad ang pangako ni Pangandaman pero alam naman natin ang ugali at kultura ng mga Pinoy na ningas-kugon. Maaaring sa una, kapag pinagbigyan ng mga mambabatas ng isa pang tsansa ang PS-DBM, magpakitang-gilas ang mga opisyal at tauhan nito pero baka sa kalaunan, mawala muli ang respeto at ningning kapag nasilaw na sa kinang ng salapi ang mga tiwaling opisyal ng naturang ahensiya.

Ang problema nga lang, kapag nabuwag ang PS-DBM, baka ang mga ahensiya naman ng pamahalaan na may sariling bids and awards committee ang magsamantala sa pera ng bayan.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.