Produktong baboy mula Singapore, bawal muna – DA

Produktong baboy mula Singapore, bawal muna – DA

March 10, 2023 @ 1:26 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Department of Agriculture ang temporary ban para sa mga produktong baboy na mula sa Singapore kasunod ng outbreak ng African swine fever (ASF) sa nasabing bansa.

Sa memorandum na inilabas ni Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban, ipinagbabawal nito ang pagpasok ng domestic at wild pigs, maging ang mga produkto nito kabilang ang pork skin at pork meat mula sa nasabing bansa.

Dagdag pa, ang Singapore ay hindi akreditado na mag-export ng anumang
swine-related commodities ngunit “there is a need to prevent the entry of any ASF-susceptible products originating from Singapore that might enter the country from hand-carried products.”

Dahil sa mga bagong kaso ng ASF na naitala sa bansa, naging dahilan ito para mas maghigpit pa ang DA sa pag-aangkat at pagbiyahe ng mga produktong baboy.

Noong Enero lamang, mahigit 50 sample mula sa Carcar City, Cebu ang nagpositibo sa ASF.

Samantala, sinabi ng DA na ang ban sa pork meat mula Singapore ay magtatagal hanggang sa alisin na ito ng ahensya. RNT/JGC