Professional basketball player, arestado sa pekeng PH passport!

Professional basketball player, arestado sa pekeng PH passport!

December 21, 2022 @ 1:52 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inaresto ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang professional basketball player makaraang tangkain nitong pumasok sa bansa gamit ang pekeng Philippine passport.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang inarestong pasahero na si Avery Roberto Scharer, 36, na nahuli nitong nakaraang Huwebes pagdating nito sa NAIA terminal 1.

Nabatid na sumakay ng Philippine Airlines flight mula Canada si Scharer nang iharap niya sa immigration officer sa arrival area ang kanyang American at Philippine passport.

Gayunman, napansin ng BI officer ang malaking pagkakaiba at iregularidad sa ipinakita nitong Philippine passport kaya’t agad itong ipinakita sa kanilang supervisor kung saan inendorso naman ito sa forensic documents laboratory ng bureau para sa pagsusuri.

Kalaunan ay naglabas ang forensic laboratory ng sertipikasyon na nagpapatunay na ang Philippine passport na ipinakita ni Scharer ay peke.

“Our forensic equipment confirmed the suspicion of our officers,” ani Tansingco.

“The Philippine passport he presented contained tampered pages, including the biographical data page.  His attempt to conceal these alternations cannot escape the scrutiny of our inspectors.  Posting false information on social media to gain sympathy despite the violation further manifests undesirability.  There are no sacred cows, as any foreign national who have violated immigration laws and presented fake documentation will be arrested,” dagdag pa ng opisyal.

Itinurn-over si Scharer sa BI legal division para sa inquest proceedings sa mga kasong paglabag sa Philippine passport act at sa paggamit ng pekeng dokumento ng Immigration. Mananatili siya sa detention center ng BI sa Bicutan, Taguig habang hinihintay ang pagresolba ng kanyang kaso.

Napag-alaman na si Scharer ay naglaro sa iba’t ibang collegiate, amateur at professional basketball league sa US at Asya.

Noong 2015, si Scharer ay na-draft na panglima sa pangkalahatan ng Wang’s Basketball Couriers sa Philippine Basketball Association (PBA) D-League. JAY Reyes