PROFESSIONAL SQUATTERS’ SA MAYNILA, HAHABULIN NG LGU

PROFESSIONAL SQUATTERS’ SA MAYNILA, HAHABULIN NG LGU

September 23, 2022 @ 5:17 PM 2 months ago


KAMAKAILAN ay bumuo ng isang makapangyarihang komite si Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na hahabol sa mga propesyunal na squatters sa lungsod na siya mismo ang magsisilbing tagapangulo.

 

Kabilang sa layunin ng komite ang gumawa ng hakbang upang kilalanin at mapigilan ang iligal na aktibidad ng mga propesyunal na squatters, pati na ang mga opisyal ng lokal at pambansang pamahalaan, o kahit pribadong indibiduwal na nagbibigay ng proteksiyon at nagpaparaya sa pamamayagpag ng sindikato ng bihasang  squatters.

 

Sa oras na matukoy ng komite kung sino-sino ang mga sangkot na indibiduwal sa pamamayagpag ng mga propesyunal na squatters sa Maynila, isusumite nila ang mga pangalan ng pagkakakilanlan sa mga ito sa Department of Human Settlements and Urban Development, sa Department of Justice at sa Manila Police District.

 

Pero sino-sino ba ang mga maituturing na propesyunal na squatters? Aba, eh di yung mga tao o grupo ng mga taong basta na lang nagtatayo ng kanilang tirahan sa lupang pag-aari ng pribadong indibidual nang walang hinihingi man lang na pahintuloy o pagbabayad ng upa gayung may kakayanan naman sila magkaroon ng lehitimong tirahan.

 

Sila yung mga taong nakapagtatayo pa ng kanilang negosyo sa pribadong lupa na pag-aari ng iba ng hindi man lamang humihingi ng permiso at lalong hindi nagbabayad ng upa na tila ba sa kanila talaga ang lupang kinatitirikan ng itinayong negosyo. Pero eto ang nakapagtataka, maraming mga propesyunal na squatters, hindi lang sa Maynila, kundi sa halos lahat ng mga siyudad sa Metro Manila, ang nakapaglagay o nakapagtayo ng kani-kanilang negosyo, tulad ng tindahan, groserya, restaurant at iba pa, na siyempre, kailangan ng permiso ng lokal na pamahalaan.

 

Batay sa umiiral na panuntunan sa ilalim ng Local Government Code, bago ka mabigyan ng business permit sa itinayong negosyo, dapat ay makumpleto ang mga kinakailangang dokumento, kabilang na rito ang titulo ng iyong lupang pinagtayuan ng negosyo o kung inuupahan lang ang puwesto, ang katibayan na may kontrata kang pinanghahawakan kaugnay sa pag-upa sa lugar.

 

Magsasagawa rin ng masusing inspeksiyon ang mga lehitimong inspector ng Business Permit and Licensing Office, pati na ang Bureau of Fire Protection, City Health Office, City Environment Office at iba pang tanggapan, batay sa kung anong uri ng negosyo ang itatayo, bago mabigyan ng kaukulang permiso ang may-ari ng negosyo.

 

Kung gayon, talagang dadaan sa butas ng karayom ang isang propesyunal na squatters kapag nagtayo ng negosyo sa lupang hindi naman niya pag-aari dahil tiyak na wala naman siyang maisusumiteng titulo ng lupa at wala ring kontrata sa upa para patunayang inuupahan niya ang pinagtayuan ng kanyang negosyo.

 

Dito ngayon papasok ang kahalintulad na komiteng nilikha ng  unang babaeng alkalde ng Maynila dahil tiyak na kapag natukoy nila ang mga propesyunal na squatters na nakapagtayo ng negosyo sa hindi naman nila pag-aaring lupa o wala naisumiteng kontrata na patunay na nagbabayad sila ng upa, matutukoy na rin kung sinong opisyal o kawani ang “nakinabang” para mabigyan ng business permit ang mga ito.