Programa ng DOH, nakakuha ng Award of Excellence  sa 16th Philippine Quill Awards

Programa ng DOH, nakakuha ng Award of Excellence  sa 16th Philippine Quill Awards

July 21, 2018 @ 1:44 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Ang sanitation campaign ng Department of Health (DOH) na ‘Goodbye, Dumi! Hello, Healthy!’, ang nagkamit ng Award of Excellence sa katatapos ng 16th Philippine Quill Awards.

Ayon sa DOH, ang naturang proyekto ay isang health promotion campaign na humihikayat sa mga Pinoy na iwasan na ang ‘open defecation’ at pagdumi o pagtatapon ng human waste kung saan-saang lugar na lamang tulad ng mga bukirin at daanang tubig.

Tinukoy rin ito ng International Association of Business Communicators (IABC) bilang outstanding communication management program sa ilalim ng non-profit campaign category.

Ipinagpasalamat naman ni Health Secretary Francisco Duque III ang pagkakamit ng programa ng naturang parangal, lalo na at ang Quills ay isa sa mga pinakakaasam na parangal sa larangan ng komunikasyon sa Pilipinas.

“Achieving zero open defecation is not easy. Households and communities need to be aware and prepared. All our efforts will be for naught if families will not change their behaviors,” ayon pa kay Duque.

Nabatid na ang pag-eliminate ng open defecation sa taong 2022 ay isa sa mga layunin ng DOH-National Sustainable Sanitation Plan (NSSP).

Giit ng DOH, delikado sa kalusugan ng mga mamamayan ang hindi wastong pagtatapon ng human waste dahil maaari itong maging sanhi ng sanitation related diseases tulad ng intestinal parasitism, acute gastro-enteritis, cholera, at typhoid, na lahat ay maaring magdulot ng malnutrisyon, pagka-bansot at maging kamatayan, sa mga bata.

Unang ipinatupad ang programa sa Masbate noong 2014, at kasalukuyan na ring ipinatutupad sa lahat ng rehiyon sa Pilipinas.  Napakinabangan na rin ito ng mahigit 100,000 katao sa may 60 komunidad.

Nabatid na noong 2017, napanalunan ng “Goodbye, Dumi! Hello, Healthy!” ang unang Quill Award of Excellence para sa research nito hinggil sa impact ng kampanya sa mga piling komunidad sa Masbate. (Macs Borja)